Ni Beth Camia
Sisimulan na ng Philippine Coast Guard (PCG) ang paghihigpit sa seguridad ng lahat ng pambansang daungan sa bansa, maging sa mga terminal ng ferry, kasabay ng paggunita ng Semana Santa sa Marso 29 hanggang Abril 1.
Kaugnay nito, inatasan ni PCG Commandant Rear Admiral Elson E. Hermogino ang lahat ng coast guard unit sa buong bansa na tiyaking ligtas at kumportable ang paglalayag ng publiko na uuwi sa iba’t ibang lalawigan para gunitain ang Mahal na Araw.
Inihayag ni Hermogino na mula Marso 25 hanggang Abril 1 ay nasa alert status ang lahat ng PCG unit sa buong bansa.
Inatasan din niya ang lahat ng coast guard commander na higpitan ang pagpapatupad ng maximum security measures at panatilihin ang regular na pagmamanman sa lahat ng daungan sa bansa.
Gayundin, pinatututukan ni Hermogino ang pag-iinspeksiyon sa mga bibiyaheng barko, gaya ng pre-departure inspection, lalo na sa bilang ng mga pasahero at mga dokumento ng barko, tulad ng manipesto, bago ito payagang makapaglayag.