ATLANTA (AP) — Nailista ni Russell Westbrook ang ika-100 career triple-double matapos pangunahan ang Oklahoma City Thunder sa dominanteng 16-0 run sa krusyal na sandali ng final period tungo sa 119-107 panalo kontra Atlanta Hawks nitong Martes (Miyerkules sa Manila).
Hataw si Westbrook sa nakubrang 32 puntos, 12 assists at 12 rebounds para tanghaling ikatlong player na umabot sa pedestal sa pinakamabilis na pagkakataon.
Tanging sina Oscar Robertson (277 laro) at Magic Johnson (656) ang umabot sa No. 100 sa mas mabilis na pamamaraan. Nagawa ni Westbrook ang tagumpay sa ika-736 laro.
Nakabuntot si Westbrook kina Robertson (181), Johnson (138) at Jason Kidd (107) sa career triple-double list.
Naisalpak ni Taurean Prince ang three-pointer para maitabla ang iskor sa 103 may 5:15 ang nalalabi. Sa pagkakatong ito, kumilos sina Westbrook at Jerami Grant para sandigan ang Thunder sa panalo.
CAVS 129, SUNS 107
Sa Phoenix, nakubra ni LeBron James ang ika-14 triple-double ngayong season at ika-69 sa career sa panalo ng Cleveland Cavaliers kontra Phoenix Suns.
Nailista ni James, nag-averaged ng triple-double sa huling 15 laro, ang 28 puntos, 13 rebounds at 11 assists. Nag-ambag si Kyle Korver ng 22 puntos, habang tumipa si Jordan Clarckson ng 23 puntos, tampok ang anim na three-pointer para tuldukan ang four-game losing skid.
Nanguna sina T.J. Warren at Josh Jackson sa Suns sa naiskor na tig-19 puntos, habang umiskor si Devin Booker ng 17 puntos.
RAPTORS 116, NETS 102
Sa New York, nailista ng Toronto Raptors, sa pangunguna ni Jonas Valanciunas na may 26 puntos at 14 rebounds, ang ikasiyam na sunod na panalo nang gapiin ang Brooklyn Nets.
Kumubra sina DeMar DeRozan at reserve Fred VanVleet ng tig-15 puntos, habang tumipa si Kyle Lowry ng 11 puntos at 11 assists para sa Eastern Conference-leading Raptors.
Tumapos si D’Angelo Russell na may 32 puntos para sa Nets, habang nagsalansan si Rondae Hollis-Jefferson ng 19 puntos.
WOLVES 116, WIZARDS 111
Sa Washington, kumana si Karl-Anthony Towns ng season-high 37 puntos at 10 rebounds, sa panalo ng Minnesota Timberwolves kontra Wizards.
Nanguna sa Wizards sina Markieff Morris sa season-high 27 puntos at humarbat si Bradley Beal ng 19 puntos.
Sa iba pang laro, ginapi ng San Antonio Spurs ang Orlando Magic, 108-72; nanaig ang New Orleans Pelicans sa Charlotte Hornets, 119-115; tinalo ng Utah Jazz ang Detroit Pistons; at naungusan ng Los Angeles Clippers ang Chicago Bulls, 112-106.