Nina BETH CAMIA at BELLA GAMOTEA
Aabot sa 300 uri ng hayop ang narekober ng pinagsanib na puwersa ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) at ng National Bureau of Investigation (NBI) sa sinalakay na bahay sa Pasay City, nitong Lunes ng gabi.
Inaresto ng awtoridad ang may-ari ng bahay na si Abraham Bernales at mga caretaker niyang sina Joner Bawente, Nestor Turion, at Jose Sandigan.
Narekober sa isang kuwarto ang mga hawla kung saan nakakulong ang iba’t ibang uri ng Cockatoo, na itinuturing nang endangered species tulad ng sulphur-crested, moluccan at black palm habang ibinebenta naman umano ang mga ibon na rainbow lory at black-capped lory.
Nakumpiska rin ang sugar glider, tatlong juvenile ostrich, at dalawang baby kangaroo.
Ayon kay Atty. Czar Eric Nuqui, hepe ng Environmental Crime Division ng NBI, una silang nakatanggap ng impormasyon na may nagaganap na big time wildlife trafficking at dinadala ang mga hayop sa isang bahay sa San Gregorio Village sa Pasay.
Isang NBI agent ang nagsilbing poseur-buyer ng isang Black Palm Cockatoo, sa halagang P100,000, at tuluyang inaresto ang tatlong caretaker at si Bernales.
Sa pulisya, ikinatwiran ni Bernales na ipinatago lang sa kanya ang mga hayop.
Inamin naman umano nina Bawente, Turion at Sandigan na nagbebenta ng mga ibon si Bernales at sinuswelduhan sila ng P10,000 kada buwan.
Sasampahan ang mga suspek ng kasong paglabag sa Wildlife Resources Conservation and Protection Act.
Samantala, dinala sa rescue center ng DENR sa Quezon City ang mga nasabat na hayop at isasailalim ang mga ito sa quarantine.
Tinatayang nasa P10 milyon ang halaga ng mga nasabat na hayop na galing pa umano sa Indonesia at ibinibenta online sa Pilipinas.