Ni Mary Ann Santiago
Plano ng Department of Health (DoH) na gamitin sa pagpapagamot sa mga pasyente ng bakunang Dengvaxia ang P1.16 bilyon na isinauli ng Sanofi Pasteur kapalit ng mga hindi nagamit na bakuna kontra dengue.
Ayon kay Health Secretary Francisco Duque III, lumiham na siya sa Department of Budget and Management (DBM), sa Senado at sa Kamara upang humingi ng pahintulot na gamitin ang naturang salapi sa mga gastusin sa pangangalaga sa Dengvaxia patients, na posibleng magkaroon ng sakit sa hinaharap, gayundin sa pagbili ng dengue kits na maaaring makatulong sa pagmo-monitor sa mga batang nagkakalagnat.
Sa ngayon, ayon sa kalihim, ay nasa Bureau of Treasury na ang pera at may sertipikasyon na ng Commission on Audit (CoA).
Nakikiusap na rin si Duque sa DBM na sila na ang mag-bidding kung papayagan ba sila o hindi na gamitin ang bahagi o ang kabuuang P1.16-bilyon refund.
Una rito, hiniling ng DoH sa Sanofi Pasteur na i-refund ang naturang halaga para sa mga bakuna na hindi nagamit, na inaprubahan naman ng kumpanya.
Hinihiling na rin ng DoH sa French drug maker na isauli ang buong halaga na ginamit sa pagbili ng Dengvaxia, na tinatanggihan ng huli at nanindigang epektibo ang kanilang bakuna.
“Ayaw nga nila. Sinasabi nila na kapag ni-refund nila ‘yun parang sinasabi nila na may depekto ‘yung produkto,” sinabi ni Duque sa isang panayam sa radyo.
Tiniyak naman ni Duque na magsasampa ng kaso ang gobyerno, sa tulong ng Office of the Solicitor General (OSG), laban sa Sanofi dahil sa pagtanggi sa refund.