Ni Mary Ann Santiago
Hinihikayat ng Simbahang Katoliko ang mga Pinoy na makiisa sa pagdaraos ng Earth Hour 2018 sa susunod na linggo, para labanan ang climate change.
Nabatid na ang Earth Hour 2018, o pagpapatay ng lahat ng electrical appliances sa loob ng isang oras, ay nakatakdang idaos sa Marso 24, Sabado, ganap na 8:30 hanggang 9:30 ng gabi.
Kaugnay nito, hinimok ni Dumaguete Bishop Julito Cortes, chairman ng Episcopal Commission on Healthcare ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) ang mga mananampalataya na sariwain ang matitinding epekto ng climate change sa bansa.
Paliwanag ng Obispo, malaki ang maitutulong ng pagtitipid sa kuryente dahil sa pamamagitan ng Earth Hour ay nababawasan ang konsumo ng kuryente sa buong mundo, na makatutulong na mabawasan ang epekto ng climate change.
Dagdag pa ni Cortes, bagamat maghahari ang dilim sa pagdaraos ng Earth Hour, nangangahulugan naman ito ng mas ligtas at mas malusog na kalikasan, na pangunahing pakikinabangan ng mga tao.
“By turning off our lights for one hour, you and I together with the rest of the world are making the earth darker, darker but safer, darker but healthier. Let us be guarded of our long reign of self-inflicted darkness as an act of retrieving what is basic in our life,” panawagan ni Cortez, sa panayam ng Radyo Veritas.
Ngayong 2018 ang ika-11 pagdiriwang ng Earth Hour, kung saan tinatayang 166 Mega watts ng kuryente ang inaasahang matitipid sa loob lamang ng isang oras, sa sabayang pagpatay ng mga kagamitang de-kuryente.