Ni Mary Ann Santiago

Nagbabala kahapon ang Food and Drugs Administration (FDA) sa publiko laban sa mga pekeng pain reliever na Flanax Forte, na naglipana ngayon sa merkado.

Sa Advisory No. 2018-073-A, na pirmado ni FDA Director General Nela Charade Puno, pinayuhan ang publiko na mag-ingat laban sa pagbili at paggamit ng pekeng gamot na Naproxen Sodium o Flanax Forte 550 mg tablet.

Sa pagsusuri ng FDA, kasama ang Marketing Authorization Holder na Taisho Pharmaceuticals (Philipines), Inc., nakumpirma na ang nasabing produkto ay napatunayang pinipeke at ipinagbibili sa merkado.

VP Sara, tahasang iginiit na hindi niya binoto si Romuadlez

Ayon sa FDA, mas makabubuting tiyaking tunay at rehistrado ang kanilang bibilhing gamot upang hindi mabiktima.

Nagbigay ang FDA ng ilang tips upang tiyaking tunay ang mabibiling gamot ng publiko.

Sinabi ng FDA na ang coding area ng tunay na Flanax ay mayroong unvarnished area at may nakasulat na Supplier Printing Code/Date sa label.

Pantay-pantay din ang pagkakakulay ng asul ng tabletang hugis-itlog, taliwas sa pekeng gamot na maputla at hindi pantay ang kulay ng tableta, at kakaiba pa ang hugis.

“Ang lahat ng healthcare professionals at publiko ay binabalaan tungkol sa paglipana ng nasabing pekeng gamot sa merkado na maaaring magdulot ng panganib sa kalusugan ng mga gagamit nito. Ang publiko ay pinapaalalahanan ring bumili lamang sa mga establisyamentong lisensyado ng FDA,” saad sa abiso ng FDA.