Ni Manny Villar
IBA’T IBANG damdamin ang ginigising ng anumang naaamoy natin. Halimbawa, may mga bagay na nagpapaalala sa atin ng nakaraan. Kapag naamoy natin ang tuyo sa umaga, naaalala natin ang pinagsasaluhan ng ating pamilya sa almusal na sinangag, kape at tuyo.
May isang uri ng pabango na nagpapaalala sa atin ng panahong naghahanapbuhay ang ating asawa sa ibang bansa. Ang amoy naman ng pandesal ay nagpapaalala sa panaderya na malapit sa inyong bahay, at sa lugar kung saan kayo at ang inyong mga kaibigan ay naglalaro.
Nakapagpapaligaya ang amoy ng tinapay. Sa paglalakbay ng aking pamilya sa Europa, nasisiyahan kami sa pagdaan sa mga panaderya dahil naaamoy namin ang mga bagong gawang croissants at tarts. Noon pa man, pinangarap ko nang magkaroon ng sariling bake shop sa Pilipinas.
Nakaiigaya ang amoy ng tinapay at iba pang produkto ng panaderya, ngunit nag-uudyok din na gumawa ng mabuti. Sa isang pag-aaral na iniulat ng Daily Mail, ipinakita na ang mga taong nasasamyo ang amoy ng tinapay habang nasa panaderya ay malamang na tutulong sa nangangailangan kahit hindi nila kilala.
Sa nasabing pag-aaral na ginawa ng mga dalubhasa mula sa University of Southern Brittany sa Pransiya, isang grupo ng mga tao ang pinatayo sa harap ng isang panaderya at isa naman sa harap ng tindahan ng damit. May mga boluntaryo na kunwa ay naghahanap ng isang bagay sa kanilang bag at naglalaglag ng guwantes, panyo o pakete ng tissue habang dumaraan sa tapat ng mga nakatayong grupo.
Ginawa ang eksperimentong ito ng 400 ulit at natuklasan na ang mga taong dumaraan sa harap ng panaderya ay malamang na tumulong sa dayuhan na nakawala ng isang bagay.
Ang mga natuklasan sa nasabing pag-aaral, na inilathala sa Journal of Social Psychology, ay nagpapakita na may mga uri ng amoy na nagbubunga ng positibong damdamin o pag-aalala sa pangangailangan ng iba. Kahit amoy pa lang ng tinapay ay nakapagpapabuti na sa tao.
Nakauugnay ako sa resulta ng nasabing pag-aaral. Sino nga ba ang mag-iisip na masama kapag nakaaamoy ng bagong lutong tinapay? Baka mas kaunti ang bilang ng krimen kung may panaderya sa bawat kanto o sa loob mismo ng kulungan.
Ngunit hindi ito ang dahilan ng pagtatayo namin na sariling bake shop, ang Bake My Day. Nais namin na maihain sa mga tao ang tinapay at iba pang produkto na mataas ang uri at bagong luto sa araw-araw, kaya noong Enero 2017 ay binuksan namin ang unang Bake My Day.
Nakararamdam ako ng pagmamalaki at ligaya nang una kong pasukin ang aming bake shop, hindi lamang dahil natupad ang aking pangarap kundi dahil parang gusto kong kainin lahat ng naaamoy ko doon. Para ngang gusto ko nang tumira sa loob ng bake shop upang lagi kong maamoy ang katakam-takam na amoy ng pork floss bread, bacon at itlog, sausage roll, strawberry at cream Danish, blueberry Danish, almond at chocolate croissant.
Kaya nga, kapag nakararamdam kayo ng lungkot o pagkabagot, hindi ninyo kailangan ang psychiatrist, hindi ninyo kailangang tawagan ang paborito ninyong DJ para sa kanyang payo. Mamasyal na lang kayo sa isang panaderya.
(Ipadala ang reaksiyon sa: [email protected] o dumalaw sa www.mannyvillar.com.ph)