Ni FER TABOY at ulat ni Nonoy E. Lacson

Apat na biktima ng kidnap-for-ransom ang nakalaya makaraang abandonahin kahapon ng mga dumukot sa kanila siyam na araw na ang nakalipas, sa Sirawai, Zamboanga del Norte.

Sinabi ni Major Gen. Roseller Murillo, commander ng Task Force Zampelan, na natagpuan sina Roger Jung-an, Jomar Maglangit, Jomar Mantangan, at Raymond Purisima sa isang taniman sa Sitio Simbulalao, Barangay Libucon, bandang 2:45 ng hapon nitong Lunes.

Ayon kay Gen. Murillo, inaalam pa ang grupong dumukot at kung nagbayad ng ransom ang mga biktima, na pawang chainsaw operator at residente ng Bgy. San Vicente, na dinukot sa Bgy. Panabutan nitong Marso 3.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Sinabi ni Mahari Abdulla, chairman ng Bgy. Libucon, na batay sa kuwento ng mga biktima, pinalaya sila bandang 10:00 ng umaga sa kagubatan hanggang sa makarating sa taniman sa Sitio Simbulalao bago mag-3:00 ng hapon.

Kaagad na ipinagbigay-alam ng mga residente kay Abdulla ang tungkol sa mga biktima, na sinundo ng kapitan at dinala kay Sirawai Mayor Gamar A. Janihim.

Ayon naman kay Gen. Murillo, lima ang dinukot nitong Marso 3, subalit nasawi ang isa nang matamaan ng bala sa sumiklab na engkuwentro sa pagitan ng militar at mga kidnapper nitong Marso 7.

Kaagad na sumailalim sa medical check-up ang apat habang nagsagawa naman ng debriefing ang militar at pulisya.