Ni Fer Taboy

Kinasuhan ng paglabag sa International Humanitarian Law ang dalawang matataas na opisyal ng militar kaugnay ng pagkamatay ng walong katutubong Lumad, kabilang ang kanilang tribal leader, sa umano’y bakbakan sa Lake Sebu, South Cotabato kamakailan.

Ayon sa report ng Commission on Human Rights (CHR)-Region 12, sinampahan ng paglabag sa International Humanitarian Law sina Lt. Col. Harold Cabunoc, ng 33rd Infantry Battalion Command; at Lt. Col. Benjamen Leander, ng 27th Infantry Battalion, kaugnay ng sinasabing bakbakan sa Sitio Datal Bonglangon sa Barangay Ned, Lake Sebu noong Disyembre 3, 2017.

Ayon kay CHR-12 Regional Director Erlan Deluvio, napalaban umano sina Habunoc at Leander sa grupo ng New People’s Army (NPA), na nagresulta sa pagkamatay ni Datu Victor Danyan, tribal leader, at pito pang miyembro ng tribo.

Probinsya

Lalaki, nanaksak matapos maingayan sa motorsiklo noong Bagong Taon

Iginiit naman ng pamilya ni Danyan na minasaker ang kanilang tribo, pinabulaanang umanib sila sa NPA, at itinanggi ring nagkaroon ng engkuwentro na ikinamatay ng kanilang mga katribo.

Batay sa dokumentong narekober ng mga katribo ni Dayan sa lugar ng anila’y massacre, nakasaad na nagtatag ang grupo ni Dayan, kasama ang ilang matataas na opisyal ng NPA sa lugar, ng revolutionary barangay sa Sitio Datal Bonglangon, na nagresulta sa sinasabing bakbakan.

Naipadala na ang subpoena kina Habunoc at Leander, na nakatakdang sagutin ng mga ito sa loob ng 10 araw.

Sinabi pa ni Deluvio na kung mapatutunayang mayroong paglabag ang militar, gaya ng pagkakaroon ng excessive force, at abuse of authority sa ilalim ng martial law, ay mananagot sa batas ang mga ito.