Ni Gilbert Espeña

NAKABAWI si Jessie Cris Rosales sa masaklap na pagkatalo kay dating WBC featherweight titlist Johnny Gonzalez sa Chiahuahua, Mexico nang patulugin niya sa 2nd round si Aussie Ibrahim Balla para maagaw ang WBA Oceania featherweight title nitong Marso 11 sa Grand Star Receptions, Altona North, Victoria, Australia.

Tinantiya muna ni Rosales sa 1st round ng sagupaan ang estilo ni Balla na nakalasap rin ng unang pagkatalo sa Pilipinong si John Neil Tabanao noong 2016 via 3rd round TKO ngunit pagdating ng 2nd round ay binigwasan niya ng matinding kanan sa bodega ang Aussie boxer na parang tinibang saging na bumagsak at groggy pa rin kahit nakabangon kaya itinigil na ang laban.

Noong nakaraang Hulyo 22, 2017, umakyat ng timbang si Rosales para labanan si Gonzalez na itinaya ang WBC Latino super featherweight nito ngunit dalawang round lamang ang itinagal niya sa Mexican.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

Napaganda ni Rosales ang kanyang kartada sa 22-1-1 na may 10 pagwawagi sa knockouts at tiyak na papasok sa world ratings kay WBA featherweight titlist Leo Sta Cruz ng Mexico. Bumagsak naman ang kartada ni Balla sa 13 panalo, 7 sa pamamagitan ng knockouts, at dalawang pagkatalo sa Pinoy boxers.

Kaugnay nito, muling lalaban si Tabanao sa Australia kontra sa knockout artist at dating WBC Asian Boxing Council bantamweight titlist Rachan Rageow ng Thailand sa Marso 17 sa Bendigo Exhibition Centre, Bendigo, Victoria.

Makakasabay ng pagsagupa ni Tabanao ang pagbabalik sa ring ni dating WBO bantamweight champion Marlon Tapales laban sa beteranong si Rivo Rengkung ng Thailand.