NI Clemen Bautista
BINUKSAN at sinimulan nitong Marso 10, 2018 ang Semana Santa exhibit sa Angono, Rizal. Mahigit na 70 imahen ng iba’t ibang santa at santo ang nasa-exhibit. Kasama sa exhibit ang mga imahen ni Hesus mula sa kanyang pagpasok sa Jerusalem, nang Siya ay dinakip, iginapos at inihampas sa haliging bato, pagpapasan ng krus hanggang sa ipako sa krus at kamatayan sa Kalbaryo. Ang Semana Santa exhibit ay nasa unang palapag ng Formation Center ng parokya ni San Clemente at sa kaliwang bahagi ng loob ng Simbahan. Kasama rin sa exhbit ang La Pieta at ang imahen ng Mahal na Birhen ng Pagbati (Annunciation) at Salubong.
Ayon sa pamunuan ng Samahang Semana Santa, bahagi ng exhibit, sa bawat gabi ay may Rosario Cantada na alay sa lahat ng mga imahen na nasa exhibit. Dinadaluhan ng pamilya at kamag-anak ng may-ari at nag-aalaga ng mga imahen, ng mga parishioner at miyembro ng iba’t ibang religious organization. Sa huling araw ng exhibit sa ika-16 ng Marso, tampok naman ang Pabasang Bayan o Pagbasa ng Pasyon.
Kasama rin sa Semana Santa exhibit ang imahen ng Tatlong Maria sa Angono na sina Sta.Maria Jacobe, Sta. Maria Magdalena at Sta. Maria Salome. Tulad ng ibang mga imahen, ang imahen ng Tatlong Maria ay century old na o mahigit pa. Nasa pangangalaga ng mga nakamanang anak, mga apo at pamilya. Tuwing Semana Santa, may Pabasa at pa-Rosario Cantada at may niluto at inihandang libreng pagkain para sa mga dumadalo rito. Ang Pabasa at pa-Rosario Cantada para sa mga imahen ay isang tradisyon at bahagi sa pakikiisa ng paggunita ng Semana Santa.
Ang Tatlong Maria na sina Sta. Maria Jacobe, Magdalena at Salome, ayon sa Bibliya ay mga babaeng sumunod sa pangaral ni Hesus mula sa Galilea hanggang sa Kalbaryo, kung saan ipinako at namatay ang Tagapagligtas ng sangkatauhan. Ang Tatlong Maria rin ang dumalaw sa libingan ni Hesus at unang nakalaam ng Muling Pagkabuhay ng Panginoon. Mababasa sa Ebanghelyo ni San Marcos. Kabanata 16: 1-7.
May kanya-kanyang kasaysayan ang nabanggit na Tatlong Maria sa Angono, Rizal. Sa ginawang research ng inyong lingkod, ang imahen ni Sta. Maria Jacobe ay ginawa noong ika-17 siglo. Siya ay isa sa sinaunang poon o imahen sa Angono, Rizal. Ang unang nangalaga sa imahen ay si Rosa Bautista at mga kapatid na sina Lorenzo at Evarista Bautista. Ipinamana naman ito sa anak ni Lorenzo na si Deogracias Bautista at maybahay nito na si Demetria Vitor.
Ang mga anak naman nila na sina Florentino, Dolores, Francisco, Juana, Marcela, Marciana, Sixto at Eufemia ang sumunod na nagmana.
Inihabilin kay Marciana Bautista (1911-2005) ang pangangalaga sa imahen ni Sta. Maria Jacobe hanggang sa bawian ito ng buhay. Sa kasalukuyan, ang imahen ay nasa tahanan ni Adoracion Medina Perez, panganay na anak ni Marciana Bautista-Medina.
Ang imahen ni Sta. Maria Jacobe ay isinasama sa prusisyon ng Miyerkules Santo, Biyernes Santo at Linggo ng Pagkabuhay o Easter Sunday. Ang feastday ni Sta. Maria Jacobe ay tuwing ika-9 ng Abril. Siya ang Marilag na Buklod ng Angkan ng Pugo sa Angono, Rizal.
Ang imahen naman ni Sta. Maria Salome ay isa pa rin sa sinaunang imahen sa Angono, Rizal na kabilang sa mga prusisyon ng Mahal na Araw. Sinasabing ang imahen ay ang tanging gawa lamang ni Kapitan Lazaro Vitor. Ginawa noong huling taon ng ika-18 siglo. Ang imahen ay ipinamana ni Kapitan Lazaro sa kanyang mga anak na nauwi sa pangangalaga ni Simeon “Bogul” Vitor. Kasama sa prusiyon ng Miyerkules Santo, Biyernes Santo at Linggo ng Muling Pagkabuhay. Sa Bibliya, si Sta. Maria Salome ay asawa ni Zebedeoat, ina nina Santiagong Matanda at San Juan Evangelista na pawang alagad odisipulo ni Kristo.
Snasabing ang imahen ni Sta. Maria Magdalena sa Angono na isa pa rin sa sinaunang imahen sa nasabing bayan, ay nilikha noong 1845-1927. Ang iskultor na gumawa ay si Juan Senson na kilala sa tawag na “Tandang Juancho” na isang primitive painter sa Angono.
Walang malinaw na tala o detalye kung paano napunta ito sa pangangalaga ni Domingo Ybanez Tolentino. Ayon sa salaysay ng kanyang anak na si Ursula, ang imahen ni Sta. Maria Magdalena ay iniwan sa kanilang tahanan na nakabalot sa kumot. Sa pagpanaw ni Domingo Tolentino, ang imahen ay naiwan sa pangangalaga kanyang mga anak na sina Iluminada, Lilia, Ursula at Ma. Elena.
Sa kasalukuyan, ang imahen ni Sta. Maria Magdalena ay nasa pag-iingat ng angkan. Dinadala sa Hermano pagsapit ng Linggo ng Pagkabuhay.
Sa Bibliya, si Maria Magdalena ay isang babaeng makasalanan na nagbagong buhay at naging isa sa mga tagasunod ni Heus. Siya ang babaeng nagbuhos ng pabango sa paa ni Hesus at pinunasan ng kanyang mahabang buhok. Kasama siyang nakatayo sa Kalbaryo sa paanan ng krus, kung saan nakapako si Hesus, kasama ang Mahal na Birhen Maria, Maria Jacobe, Maria Salome at San Juan Evangelista.