Ni CZARINA NICOLE O. ONG

Iniutos na ng Sandiganbayan na suspendihin ng 90 araw si incumbent Guagua, Pampanga Mayor Dante Datu Torres kaugnay ng kinakasangkutang P2.76-milyon malversation case noong 2014.

Inilabas ng anti-graft court ang kanilang ruling habang nililitis pa ang nasabing kaso.

“Accused Dante Datu Torres is hereby directed to cease and desist from further performing and/or exercising the functions, duties and privileges of the position of Mayor of the Municipality of Guagua, Pampanga or any other public office or position he may now be holding," saad sa desisyon ng korte.

Probinsya

OFW na hinoldap, inundayan ng saksak sa terminal sa Maynila, nakauwi na ba sa pamilya?

Una nang kinasuhan si Torres ng paglabag sa Article 220 (illegal use of public funds) ng Revised Penal Code (RPC) dahil sa paggamit nito ng naturang pondo sa rehabilitasyon ng Manuel P. Santiago Park, kahit nakalaan ito sa ibang proyekto.

Nag-ugat ang kaso nang ilabas ni Torres ang tinukoy na pondo at ibinayad sa rehabilitasyon ng nabanggit na parke noong Hulyo 1, 2014.

Ang naging hakbang ni Torres ay salungat sa inilabas na ordinansa na nagsasabing nakalaan ang pondo sa rehabilitasyon ng Aurelio Tolentino Frontage Area, pagbili ng isang refrigerator van at ilang heavy equipment.

Inatasan na ang Department of Interior and Local Government (DILG) na ipatupad ang suspensyon ni Torres.