MALAKI ang pag-asang inaasahan sa pag-uusap nina United States President Donald Trump at North Korea leader Kim Jong Un sa huling bahagi ng Mayo. Inihayag ito ni South Korea National Security Adviser Chung Eui-yong sa harap ng White House sa Washington, DC sa Amerika noong nakaraang linggo. Bago ito, nakaharap niya ang pinuno ng North Korea sa Pyongyang.
Matapos sumabak sa madugong digmaan noong 1950s — kung saan nakipaglaban ang Pilipinas para sa tropa ng United Nations kasama ang Amerika—nanatiling magkalaban ang North Korea at Amerika hanggang sa magtapos ang bakbakan sa bisa ng tigil-putukan, hindi sa tratadong pangkapayapaan. Sa nakalipas na mga taon, paulit-ulit na nagpalakas ang North Korea ng mga bombang nukleyar at mga intercontinental ballistic missile, na ilang buwan lang ang nakalipas ay inihayag nito na kaya nang makaabot sa alinmang siyudad ng Amerika.
Bilang reaksiyon, nagbanta si President Trump ng “fire and fury like the world has never known.” Kilala ang Amerika sa pagkakaroon ng aabot sa 4,000 nuclear missile na naimbak nito mula pa sa Cold War ng Russia.
Ang ulat tungkol sa paghaharap ng dalawang pinuno sa Mayo ay inihayag sa Seoul, South Korea, at ipinakita pa sa ang mga imahe sa telebisyon ng magkatabing litrato nina President Trump at Kim Jong Un na kapwa kumakaway sa mga tao.
Para sa pinuno ng North Korea, isa itong pagkilala na matagal na niyang hinahangad. Matagal na ring nagpadala ang Amerika ng mga aircraft carrier at jet fighter sa karagatang malapit sa Korean peninsula at itinalaga sa South Korea ang nasa 20,000 Amerikanong sundalo. Ngayon nga ay sumang-ayon ang presidente ng Amerika na magkaharap silang dalawa.
Para sa Amerika, ang gagawing pag-uusap ay inaasahan nang magbibigay-tuldok sa banta ng pag-atakeng nukleyar laban sa Amerika. Ilang taon nang namumuhay ang Amerika sa pangamba ng kaparehong pag-atake noong kasagsagan ng Cold War nito sa Soviet Union, subalit hindi kailanman nagbanta ang bagong Russia. Tanging ang North Korea ang direktang nagpapahayag ng kahandaan nitong maglunsad ng pag-atake, mistulang hindi nauunawaan ang “massive retaliation” na kahihinatnan nito.
Marami ang umaasa na magkakaroon ng kasunduan pagkatapos ng pag-uusap, na posibleng magbunsod sa pagwawakas ng nuclear at missile program ng North Korea, kapalit ng pagkilala at tulong pang-ekonomiya. Malaking bahagi ng pag-asam na ito ay nagmumula sa South Korea, na nanguna sa pagpupursige na nagresulta sa itinakdang paghaharap sa Mayo.
Posibleng nabigyang-daan ang negosasyon nang magpadala ang North ng mga atleta nito para lumahok sa katatapos na Winter Olympics na idinaos sa Pyongchang, South Korea.
Kaisa ang Pilipinas sa mga pag-asam na ito, kasama ang iba pang mga bansa malapit sa Korean Peninsula, partikular ang Japan at China. Sa anumang hindi pagkakasundo, ang bahagi nating ito sa planeta ang mapupuruhan sa kaguluhan, subalit sadyang ganoon ang kahihinatnan ng nuclear warfare, walang bansa ang makakaligtas.
Wala pa ring malinaw na katiyakan kung ano ang mangyayari, subalit may naaaninaw nang pag-asa kumpara dati. Ito ang dahilan kaya naman pinakaaabangan ang paghaharap nina President Trump ng Amerika at Kim Jong Un ng North Korea sa Mayo.