Ni Orly L. Barcala

Naaresto ng mga tauhan ng City Social Welfare and Development Office (CSWDO) at ng Station Investigation Unit (SIU) ang isang freelancer photographer na kumukuha ng hubad na larawan ng mga menor de edad, sa ikinasang police operation sa Valenzuela City, nitong Linggo ng gabi.

Sinabi ni Senior Insp. Jose R. Hizon, hepe ng SIU, na sasampahan ng mga kasong paglabag sa Anti-Child Pornography Act of 2009 (RA 9775), Act Providing for Stronger Deterrence and Special Protection Against Child Abuse, Exploitation and Discrimination and for other Purposes (RA 7610), at Anti-photo and Video Voyeurism Act of 2009 (R.A. 9995) si Joseph Pan, 52, tubong Daet, Camarines Norte, at residente ng Isabelle De Valenzuela, Barangay Marulas.

Ayon sa opisyal, humingi ng tulong sa CSWDO sina Roger Lazaro at Richard Guitierrez, security officers ng Isabelle De Valenzuela, at sinabing madalas daw kuhanan ng litrato ng suspek ang kabataang babae na nakasuot ng swimsuit sa gilid ng swimming pool sa lugar.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Madalas din umanong makitang may mga kasamang dalagita si Pan at dinadala sa kanyang condo unit.

Agad nakipag-ugnayan ang CSWDO kay Senior Insp. Hizon, na agad nagsagawa ng surveillance sa unit ng suspek, pasado 11:00 ng gabi.

Nakita ng awtoridad si Pan kasama ang apat na dalagita na may edad 10, 12, at 13, na papunta sa kuwarto nito kaya nagkasa ng operasyon ang mga pulis laban sa suspek.

Narekober ng awtoridad ang mga larawan ng mga dalagitang nakahubad at naka-swimsuit, isang camera at laptop computer.

Sa pahayag ng mga nasagip na dalagita, nasa P500 umano ang bayad sa kanila ni Pan kapag walang damit pang-itaas, habang P1,000 naman kung hubo’t hubad.

Pinagkakakitaan umano ni Pan ang mga larawan na ipinadadala nito sa ibang bansa.