Ni PNA
SUMAILALIM ang maraming persons with disabilities (PWDs) mula sa Benguet sa isang araw na pagsasanay tungkol sa kahandaan sa kalamidad.
Inihayag ni Office of Civil Defense (OCD)-Cordillera Regional Director Andrew Alex Uy nitong Biyernes na ang mga nakilahok sa pagsasanay ay nagmula sa sampu sa 13 bayan sa Benguet, gaya ng Buguias, Bokod, Atok, Kabayan, La Trinidad, Tuba, Tublay, Mankayan, at Itogon.
Aniya, ang mga kinatawan ay binigyan ng tips hinggil sa pagiging handa sa mga biglaang pangyayari, na partikular na idinisenyo sa mga sektor.
Ang pagsasanay, na ginanap nitong Martes, ay isinagawa ng OCD-Cordillera, katuwang ang Provincial Disaster Risk Reduction Management Office (PDRRMO) at ang Department of Education (DepEd) Division ng Benguet, kasama ang mga lokal na opisyal ng DRRM.
“As they say, disability does not mean inability. PWDs must also be fully equipped before, during, and even after disasters. We continue to implement programs like this for us to increase community-level support and participation,” sabi ni Uy.
Idinagdag pa ni Uy na ang isang hakbangin para makaabot ang mga tulong ng DRRM sa mga may kapansanan ay ang pagbuo ng disability-inclusive means, sa pamamagitan ng paggawa ng mga aktibidad ng DRRM na mas akma sa kanilang mga pangangailangan, gaya ng pagtatakda ng “buddy system”, o ang isang PWD ay may katuwang na walang kapansanang tao, na gagabay sa PWD sakaling may biglaang insidente.
Hinimok ni Uy ang mga lokal na pamahalaan na bumuo ng data base, kung saan nakasaad ang demographics ng PWDs sa kani-kanilang lugar, upang mas madaling makagawa ng plano ng paglilikas para sa mga ito.
“Our primary objective is to increase the DRRM awareness of the whole of the society, including the communities, and strengthen their capacities. We are considering this initiative as the foundation to achieving community resiliency,” sabi ni Guadaliva Panitio, OCD-Cordillera training chief sa hiwalay na panayam.
Simula noong 2016, nagsasagawa na ang OCD-Cordillera ng capacity-building programs para sa mga grupong nangangailangan ng ibayong atensiyon, kabilang ang mga PWD, isa sa mga pinakamahihinang sektor sa komunidad.
Ngayong taon, ipagpapatuloy ng ahensiya ang pagsusulong ng kamalayan sa mga pangunahing sektor — mga magsasaka, estudyante, mga nakaligtas sa sakuna, mga bata at mga non-government organization.