Mula sa AOL.com
NAGANAP na ang pinakamahalagang royal debut ng dating Suits actress na si Meghan Markle nitong Lunes, nang sumama siyang magsimba sa kanyang fiancé na si Prince Harry at sa kapamilya nitong sina Prince Charles, Duchess Camilla, Prince William, Kate Middleton at Queen Elizabeth sa Commonwealth Day church sa Westminster Abbey.
Suot ang puting topcoat at puting beret sa kanyang navy dress, nagsimba si Markle kasama sina Harry, Kate at William, habang ang Kanyang Kamahalan ay nasa likod lamang suot ang burgundy coat at sumbrero na dinisenyuhan ng bulaklak.
Sa misa, namataang sumasabay sa pagkanta si Markle ng God Save The Queen.
Ang kahalagahan ng pagsama ni Markle sa isang event kasama si Queen Elizabeth bago ang kanilang opisyal na kasal ay isang indikasyon na malugod siyang tinatanggap sa pamilya.
Samantala, hindi nakasama ang Duchess of Cambridge na si Kate Middleton sa kahit na anong event kasama ang kanyang grandmother-in-law bago sila ikinasal ni Prince William noong 2011.
Nagsimba ang grupo ilang buwan makaraang makisaya ni Markle sa Christmas holiday ng senior members ng royal family sa kanyang bahay sa Sandringham. Karaniwan na ang ganoong karangalan ay nakalaan lamang sa mga taong opisyal nang bahagi ng pamilya.
Ilang beses nang sinuway ni Meghan Markle ang ilang royal protocol sa ilang pagkakataon, gaya ng kanyang messy bun na buhok o pagpirma ng autograph.