Nagpahayag ng pagkabahala ang Department of Health (DoH) kaugnay ng pagtriple ng hinihinalang kaso ng tigdas sa bansa, sa unang buwan lamang ng taong ito.

Nasa 12 na rin ang kumpirmadong nasawi sa naturang sakit.

Batay sa inisyung Measles Disease Surveillance Report ng DoH, nabatid na mula Enero 1 hanggang Pebrero 3 ng taong ito ay umabot na sa 877 ang naitalang hinihinalang kaso ng tigdas o measles.

Halos triple ang naturang bilang, kumpara sa 293 na naitala sa kahalintulad na petsa noong nakaraang taon.

National

27 volcanic earthquakes, naitala mula sa Bulkang Kanlaon

Kasama sa naturang bilang ang 12 nasawi, na mula sa Region 11 (may 50% kaso), Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) (41.67%), at Region 12 (8.33%).

Pinakaapektado ng sakit ang ARMM (28.39%), Region 9 (23.95%), Region 11 (17.22%), Region 10 (7.75%) at Region 12 (4.56%), habang pinakamarami naman ang biktima ng sakit sa ilang lalawigan sa Mindanao, kabilang ang Zamboanga del Sur (15.62%), Maguindanao (12.20%), Davao del Sur (11.40%), Lanao del Sur (6.61%), at Basilan (5.70%).

Nagdeklara na ang DoH ng measles outbreak sa Davao City at Zamboanga City dahil sa pagdami ng kaso ng tigdas sa mga nabanggit na lugar, gayundin sa Negros Oriental at sa isang barangay sa Taguig City.

Karaniwan sa mga biktima ay edad isang buwan hanggang 65 anyos, at karamihan sa kanila, o 62.035 porsiyento ng populasyon, ay hindi nabakunahan kontra tigdas.

Kaugnay nito, muling nanawagan ang DoH sa mga magulang na pabakunahan ang kanilang mga anak upang makaiwas sa tigdas at sa iba pang mga sakit. (Mary Ann Santiago)