Ni Mary Ann Santiago

Arestado ang isang 17-anyos na binatilyo makaraang mahulihan ng hinihinalang shabu habang binabagansiya ng awtoridad sa Marikina City, nitong Linggo ng gabi.

Hindi pinangalanan ang suspek bilang proteksiyon nito.

Sa ulat ng Marikina City Police, naaresto ang suspek sa Ampalaya Street, kanto ng Talong Street sa Barangay Tumana sa lungsod, dakong 11:10 ng gabi.

National

PBBM admin, nagsisilbing ‘totoong kalamidad’ sa ‘Pinas – Maza

Unang nakatanggap ng radio message ang mga tauhan ng Police Community Precinct (PCP)-4 mula sa Station Tactical Operations Center (STOC) hinggil sa umano’y insidente ng bentahan ng ilegal na droga sa lugar.

Pagdating ng mga pulis sa lugar, namataan nila ang dalawang kabataan na kanilang sinita dahil sa paglabag sa curfew ordinance.

Gayunman, habang binabagansiya ang dalawa ay napansin ng mga pulis ang isang pakete ng shabu na nahulog mula sa suspek kaya kaagad na inaresto ito.