Ipinagharap ng reklamo ang ilang opisyal ng Supreme Court (SC) na isinasangkot sa umano’y anomalya na nabunyag sa impeachment hearing ng Kamara laban kay Chief Justice Maria Lourdes Sereno.
Kasama sa mga inireklamo ni Atty. Larry Gadon sa Department of Justice (DoJ) ng paglabag sa Republic Act 3019 o Anti-Graft and Corrupt Practices Act, at RA 9184 o Government Procurement Reform Act, sina Atty. Ma. Lourdes Oliveros, chief of staff ni Sereno; Atty. Michael Ocampo, ng Office of the Chief Justice; at Helen Macasaet, information technology consultant.
Ang reklamo ay kaugnay ng pagkuha ng Office of the Chief Justice kay Macasaet bilang IT consultant ng Korte Suprema nang hindi umano dumaan sa public bidding kundi sa negotiated procurement.
Nakasaad sa reklamo ni Gadon na sa unang kontrata, P100,000 ang buwanang suweldo ni Macasaet, pero sa mga sumunod na kontrata ay umabot na umano sa P250,000 ang ibinabayad kay Macasaet bawat buwan.
Giit pa ni Gadon, ang suweldo na natanggap ni Macasaet sa loob ng mahigit apat na taon, na umabot sa P10.6 milyon, ay sobra sa itinakdang compensation ceiling ng Department of Budget and Management (DBM) para sa professional consultative services. (Beth Camia)