Ni Bert de Guzman
WALA raw kinalaman si Pangulong Rodrigo Roa Duterte (PRRD) sa impeachment complaint laban kay Supreme Court Chief Justice Ma. Lourdes Sereno. Totoo ba ito presidential spokesman Harry Roque? Bahala raw ang Kongreso rito.
Nang hingan ko ng opinyon ang isang kaibigan tungkol dito, ang tugon niya: “Bolahin niya ang Lelong niyang panot”.
Samantala, binira ni Sereno ang Duterte administration sa paggamit ng umano’y “legal shortcuts” upang siya’y mapatalsik kahit ito’y labag sa Konstitusyon. Naghain si Solicitor General ng quo warranto sa SC upang ito na ang magpatalsik sa kanilang Punong Mahistrado.
Mukhang nasa “war mode” si PRRD sa pahayag niyang handa ang Pilipinas na makipaggiyera sa alin mang bansa na magsasagawa ng MSR (Marine Scientific Research) sa Philippine Rise o Benham Rise nang walang pahintulot ang Pinas.
Bravo, Mr. President. Tanong ng kaibigan kong palabiro pero sarkastiko: “Paano kung ang China ang magsasagawa ng pananaliksik. Gigiyerahin mo rin ba sila? Eh bakit sa West Philippine Sea tameme ka, yuko-ulo kahit inookupahan na tayo?”.
Sinabi ni National Security Adviser Hermogenes Esperon Jr. noong Huwebes na ipinag-utos ni Mano Digong ang pagbabawal ng MSR sa Philippine Rise o Benham Rise. Ayon sa Malacañang, ang direktiba ng Pangulo ay hindi raw patama sa Beijing. Gayunman, sinabi ni Esperon na maghahain ito sa UN ng protesta hinggil sa pagpapangalan ng China sa limang undersea features sa Benham Rise.
Nananatili si Henry Sy Sr. bilang “richest man” sa Pilipinas na may net worth na $20 bilyon. Batay sa Forbes List of World’s Billionaires, si Sy ay ika-52 richest man sa mundo. May 11 pang Filipino ang kasama sa global roster ng 2,218 bilyonaryo sa buong mundo.
Kung si Henry Sy Sr. ang pinakamayaman sa Pilipinas, ilan naman kaya ang bilang ng mahihirap sa bayan kong nagdurusa at nagdaralita? Ilang Pinoy ang walang trabaho? Ilang mamamayan ang halos hindi makakain ng tatlong beses maghapon? Ilang kababayan natin ang sinasagasaan ngayon ng TRAIN (Tax Reform Acceleration and Inclusion)?