Ni Marivic Awitan

WINALIS ng University of the East ang elimination round kasunod ng kanilang 4-1 paggapi sa Ateneo sa itinuturing na preview ng men’s Finals kahapon sa UAAP Season 80 lawn tennis tournament sa Rizal Memorial Tennis Center.

Kinumpleto nina Red Warriors Rogelio Estaño at RJ Saga ang pagwalis sa eliminations sa 3-6, 6-4, 6-3,panalo laban kina Bong Gonzales at Julian Dayrit ng Blue Eagles sa second doubles.

Sa women’s division, winalis din ng last season runner-up University of Santo Tomas ang elimination round matapos gapiin ang Ateneo, 3-2, sa itinuturing ding women’s Finals preview.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

Nagawa ito ng Tigresses sa kabila ng pagkawala ni Ingrid Gonzales, na napuwersang huminto sa second doubles sanhi ng sprained knee.

Ang championship matches ng dalawang divisions ay idaraos ganap na 8:00 ng umaga sa Sabado sa parehas na venue.

Naunang nagsipagwagi para sa UE sina reigning MVP AJ Lim kontra kay Ino Canlas, 6-1, 6-1, Joshua Kinaadman laban kay AJ Rivero, 7-6, 6-3, at Dolfo Barquin kontra kay Marcen Gonzales, 6-3, 6-4.

Ang nag-iisang panalo ng Ateneo ay sa first doubles sa pamamagitan nina Luke Flores at Erj Gatdula laban kina Jeric delos Santos at Justine Guira, 6-3, 6-1.

Natalo si Kendies Malinis sa unang singles match kay Khrizelle Sampaton, 2-6, 3-6, ngunit bumawi ang UST makaraang manalo ni Erika Manduriao, kontra kay Alexis McLean, 6-2, 6-2, at ni Monica Cruz kay Katrina Hernandez, 6-1, 6-0 sa huling dalawang singles.

Sa pagka-injured ni Gonzales natalo sila ng kasanggang si Precian Rivera sa second doubles laban kina Jana Hernandez at Nicole Amistad, 4-6, 0-1.

Sinelyuhan ang panalo ng Tigresses nina Caorte at Danica Bautista laban kina Carmen So at Martina Bautista, 6-4, 4-6, 6-3 sa huling doubles.