Ni Mina Navarro
Maraming naghihikahos na manggagawa ang nasadlak sa mas matinding kahirapan bunga ng pagtaas sa presyo ng mga kalakal at serbisyo, matapos maipatupad ang Tax Reform Acceleration at Inclusion (TRAIN), batay sa pagsubaybay ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) at National Wages and Productivity Commission (NWPC).
Nakaapekto nang malaki ang pagtaas ng excise tax sa langis, sweetened beverages at ng pagtaas sa presyo ng mga dokumento sa gobyerno.
Sa report ng dalawang ahensiya na inilabas noong Pebrero 9, ang tunay na halaga o ang buying power sa 17 rehiyon ng bansa ay may kabuuang average na pang-araw-araw na nominal minimum na suweldo na P329.35 ay dumausdos sa P210.
Sa Metro Manila, na may pinakamataas na minimum wage sa bansa, ang buying power na P512 kada araw ay bumaba sa P357.29.
Ang purchasing power sa Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM), na pinakamababa sa P265 kada araw, ay P152.12 na lamang.
Simula nitong Marso 1, ang kabuuang purchasing power ng mga manggagawa sa isang buwan ay bumaba sa P8,575, ayon sa BSP at NWPC. Gayunman, ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA), ang inilathalang standard na halaga na kinakailangan ng isang pamilya na may limang miyembro para mabuhay sa loob ng poverty line sa 2015 ay P9,064.
“We noticed the erosion of wage’s purchasing power move quickly downwards by 6% in just a matter of two months from January to February upon the effectivity of TRAIN. This extraordinary devaluation of monthly salary is significant to the informal sector workers earning less than P12,000 a month and the minimum wage earners receiving less than the same amount,” ayon kay Alan Tanjusay, tagapagsalita ng labor group na Associated Labor Unions-Trade Union Congress of the Philippines (ALU-TUCP).
“We urge government’s immediate and quality response to save and prevent these workers, who help build our economy and who are producers of goods and services to make our economy competitive, from falling through the cracks,” ani Tanjusay.
Dagdag niya, dahil umabot ang inflation rate sa 3.9 porsiyento noong katapusan ng Pebrero, inaasahan niyang tataas pa ito sa pagtatapos ng Marso, kung kailan nagbabanta ang pagtaas ng bayad sa kuryente, bigas, isda, gulay, at presyo ng gasolina.