Ni Argyll Cyrus B. Geducos

Sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte na legal ang kanyang rason sa likod ng kautusan niya sa mga pulis na dedmahin ang sino mang imbestigador mula sa United Nations (UN) na darating sa bansa para imbestigahan ang mga pagpatay at diumano’y pang-aabuso sa karapatang pantao sa ilalim ng kanyang madugong kampanya kontra ilegal na droga.

Ito ang ipinahayag ni Duterte nang sumunod na araw matapos sabihin ni UN Human Rights Council (HRC) chief Prince of Jordan Zeid Ra’ad al-Husein na kailangang sumailalim ni Duterte sa psychiatric evaluation dahil sa mga banat nito laban kay Special Rapporteur on Extrajudicial Killings (EJKs) Agnes Callamard, at sa petisyon para bansagang terorista si Special Rapporteur on the Rights of Indigenous Peoples (IDPs) Victoria Tauli-Corpuz.

Sa kanyang talumpati sa mga sundalo at pulis sa Zamboanga City nitong Sabado ng gabi, binanggit ni Duterte ang provision on self-incrimination na nakasaad sa Constitution.

National

UP, top university pa rin sa Pinas; Iba pang paaralan sa bansa, pasok sa Asian ranking!

“Por Dios, kayong mga ugok if you are investigating us, the rule sa (in) criminal law is any statement or answer that you may give might incriminate you,” aniya.

“Eh ‘pag nabitawan mo ‘yang magtanong-tanong sila, free willing ka mag-ano, eh recorded, eh ikaw mismo, ‘pag tinawag ka na doon, you are bound by your anong pinagdadaldal mo,” idinugtong niya.

Sinabi ni Duterte na maaaring may masilip ang UN na puwedeng idawit ang mga pulis sa mga pagpatay at diumano’y human rights violations kapag nahuli silang magkakaiba ng pahayag.

“Marami talagang butas makikita ‘yan because we are not situated in the same situation or similarly situated at one time. It’s gonna be convoluted. Then that places us in jeopardy. Eh kung mag shut-up ka lang,” paliwanag niya.

Tinuligsa rin ng Pangulo si Zeid na nagalit sa kautusan niyang suportahan ang isang provision sa Constitution ng bansa at maging ng Miranda Rights. Nagbanta rin siyang ipapakain ang UN investigators sa mga buwaya.

“Nagalit sila kasi ang advice is, ‘Do not answer questions from them.’ And that is for a reason, legal,” ani Duterte.

“May mga buwaya ba dito? ‘Yung kumakain talaga ng tao. Doon mo itapon ang mga p*****... b***** ‘to,” dagdag niya.

“Ngayon, na-konsumisyon ako kaya ang puro insulto ‘yang natanggap nila.”

Muli rin idiniin ni Duterte na pananagutan niya ang mga pagpatay na naitala sa panahon ng kanyang drug war basta’t ito ay “within the bounds of the law.”