Ni MARY ANN SANTIAGO
Nanawagan ang isang Catholic bishop sa mga kapwa pari na sumailalim sa lifestyle check, kasabay ng paalala na maging tapat sila sa kanilang misyon bilang panibagong Kristo sa kanilang pang-araw-araw na buhay.
Ayon kay San Carlos Bishop Gerardo Alminaza, chairman ng Episcopal Commission on Seminaries ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP), layunin ng lifestyle check na malaman kung nananatiling tapat ang mga pari sa kanilang bokasyon.
Hindi naman nabanggit ni Alimanaza kung ang Simbahan mismo ang magsasagawa ng lifestyle check.
Ngunit giit niya, dapat hayaan ng mga pari na suriin ang kanilang day-to-day activities at kung ilang oras ginagampanan ang responsilibidad, gayundin ang kanilang mga finances at pag-aaring kagamitan.
Dapat rin, aniya, alamin kung paano nakikisalamuha ang mga pari bilang parte ng pagiging saksi ng buhay at gawa ng Diyos.
Kamakailan, nasa 120 pari ang nagtipon sa idinaos na National Discernment of Priests on their Prophetic Role, na inorganisa ng National Clergy Discernment Group, sa Maryhill School of Theology sa Quezon City.