Ni Kate Louise B. Javier

Nadakip ng mga tauhan ng Caloocan City Police ang isang negosyanteng Nigerian sa buy-bust operation sa lungsod, nitong Biyernes ng gabi.

Kinilala ang suspek na si Chidu Iwumune, 39, nakatira sa Angeles City, Pampanga.

Ayon kay Senior Supt. Jemar Modequillo, hepe ng pulisya, si Iwumune ang itinuturong supplier ng umano’y drug pusher na si Arnold Dela Cruz, na inaresto at nakumpiskahan ng 100 gramo ng hinihinalang shabu, na nagkakahalaga ng P350,000; mga baril at bala nitong Huwebes.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Sa ulat ni SPO1 Ryan Escorial, nagsagawa ng buy-bust operation ang Anti-narcotics agents ng Caloocan City Police, sa pangunguna ni Senior Insp. Allan Hernandez, laban kay Iwumune malapit sa isang mall sa Sangandaan, dakong 10:00 ng gabi.

Iniabot umano ng dayuhan ang isang pack ng umano’y shabus, na nagkakahalaga ng P10,000, kay PO1 Almario Fabito na nagsilbing poseur-buyer.

Tinangka pang tumakbo ng Nigerian, ngunit agad ding nakorner.

“I don’t have any knowledge why they arrested me. I was supposed to meet my friend in Malate when the policemen just nabbed me,” depensa ni Iwumune.

Nakakulong na si Iwumune sa Caloocan Police at nakatakdang sampahan ng kaukulang kaso.