Ni Dave M. Veridiano, E.E.
Ang ipinagmamalaki nating pambansang ibon na Philippine Eagle, na mas kilala bilang ang Haring Ibon, o sa pinaigsing katawagan nito na HARIBON, ay may pugad na rito sa Metro Manila – hindi ito sa isang magubat na lugar, bagkus sa makasaysayang distrito ng Intramuros sa Maynila.
Isa ako sa pinalad na makasaksi noong Biyernes ng hapon, sa paglalagay sa HARIBON sa lugar na permanente nitong pamumuguran sa Intramuros – nang idambana ito bilang “official mascot” ng Pamantasan ng Lungsod ng Maynila (PLM).
Halos 50 taon na ang nakaraan, nang itatag ang PLM bilang isang natatanging kolehiyo sa buong bansa na ang mga mag-aaral nito ay walang binabayaran ni singko sentimos, upang makapagtapos ng isang buong kurso. Isa ako sa mga estudyanteng ito na kung tawagin ay “mga batang ISKO sa Intramuros” noong dekada 70, na walang nakagisnan na “official mascot” sa pamantasan naming mahal.
Kaya’t nang malaman ko ang okasyong ito na gaganapin sa Raha Solaiman Gym ng PLM, ‘di ako nag-aksaya ng oras upang makarating ng maaga sa programang pinangunahan mismo ng Board of Regents ng pamantasan.
Sa programang iyon ko lamang natutuhan ang ilang mahahalagang bagay hinggil sa HARIBON na ang scientific name ay Pithecophaga Jefferyi. Habang isa-isang tinatalakay ni Christine Joy Salazar, Education Officer (EO) ng Philippine Eagle Foundation (PEF), ang mga natatanging katangian ng ating pambansang ibon, ay naglalaro naman sa aking isipan ang pagiging kawangis nito sa pagiging romantiko naming mga naging mag-aaral ng PLM.
Mantakin ninyo, ang isang pares ng HARIBON ay tumatagal ng halos 25 taon na magkasamang nagmamahalan at hindi nag-iiwanan. Parang kami lang na mga “ISKO sa Intramuros” noon na ang naging katuwang sa buhay ay mga kasamahan din namin sa PLM, at wala rin kaming iwanan!
Namumukod-tangi ang HARIBON – kakikitaan na ito ng TIKAS at TIWALA sa sarili habang ito ay lumalaki at namamayagpag sa kagubatan. Marahil hinubog ito nang pagmamalasakit at pagmamahal ng magulang na HARIBON sa kanilang inakay, mula sa pagkapisa ng itlog at pagiging sisiw, tungo sa unang paglipad nito sa himpapawid. Ganito rin kaming mga ISKO hinubog ng PLM bago pinakawalan sa espaltado at sementadong kagubatan ng lungsod!
Isang itlog lamang ang pinipisa at inaalagan ng mga magulang na HARIBON sa loob ng dalawang taon kaya’t konti lamang ang populasyon nito. Ganyan din kaming mga ISKO, kakarimpot ang bilang, ngunit nakatitindig nang nakataas ang ulo sa anumang uri ng trabaho!
May 400 pares na lamang ang natitirang lahi ng HARIBON at karamihan sa mga ito ay nasa kagubatan sa Mindanao.
Subalit ang masayang balita, ay may mga naitalang “sightings” ng mga ibong ito sa ilang kabundukan at kagubatan sa Gitnang Luzon.
Sobrang “territorial” ang mga HARIBON. ‘Di makapapayag na may makasuob na ibang pang pares ang HARIBON sa teritoryo nito na abot sa 8 square hectares, dahil siguradong “maghahalo ang balat sa tinalupan!”
Ang dahilan nang mabilis na pagkaubos ng HARIBON ay ang walang patumanggang pagwasak sa mga kabundukan na kanilang tahanan. Bukod pa rito ang pamamaril ng mga walang magawang “hunter” na ang pagpatay sa mga hayop sa bundok ang tangi nilang libangan.
Kaya naman upang maprotektahan ang mga HARIBON, ipinalabas ng pamahalaan ang dalawang batas -- ang Republic Act (RA) 9147 (Wildlife Act) at ang RA 6147 (Protected Bird Act) na nagdedeklarang dapat proteksyunan ang HARIBON.
Kaya simula noong Marso 9, 2018 - ang PLM ay magiging mainit na katuwang ng PEF sa pagbibigay ng proteksiyon sa HARIBON, lalo pa’t permanente na itong mamamahay sa puso naming mga “ISKO sa Intramuros!”
Mag-text at tumawag sa Globe: 09369953459 o mag-email sa: [email protected]