Ni Clemen Bautista
MATAPOS ang dalawang postponement o pagpapaliban ng Sanggunian Kabataan (SK) at Barangay Elections, nabalita na ang nasabing sabay na halalan ay itinakdang ituloy na sa darating na Mayo 14, 2018. Dahil dito, ang COMELEC (Commission on Elections) ay naghahanda. Nagtakda na ng panahon ng kampanya ng mga tatakbong opisyal ng barangay at mga kabataan. Isa sa pangunahing dahilan ng pagpapaliban ng SK at Barangay election ay baka raw gumamit ng salaping kinita sa illegal drugs ang mga corrupt na opisyal ng barangay na sangkot sa droga.
Sa nabanggit na dalawang ulit na pagpapaliban ng SK at Barangay election, marami ang nalungkot at nadismaya. Ang kanilang dahilan: na-extend pa o nagtuluy-tuloy ang panunungkulan ng mga chairman ng barangay. Nawalan ng pagkakataon ang mga naninirahan sa barangay na mapalitan ang mga corrupt, bugok at mga tamad na opisyal ng barangay. Mapalitan ng matalino, matino, karapat-dapat at may tunay na kakayahan na mamuno sa barangay. Hindi maikakaila na marami sa mga opsiyal ng barangay ay halos isuka at isumpa na ng kanilang constituent sa barangay dahil nga sa katamaran at kapalpakan.
May mga barangay na dahil sa kaunting pag-ulan ay binabaha na ang mga karsada. Umaapaw ang tubig sa kanal na barado at hindi nalilinis.Tag-araw man at tag-ulan, hindi umaagos ang tubig. Bumabantot ang amoy at pinamamahayan at itlugan ng mga lamok kasama na rito ang mga lamok na nagdudulot ng sakit na dengue. Kung tag-araw, hindi nililinis at inaalis ang putik sa kanal na dahilan ng hindi pag-agos ng tubig. Ang mga nakatira na sa bahay na malapit sa kanal ang nagkukusa nang maglinis ng kanal. Katuwiran at dahilan ng hindi paglilinis ng kanal ng opsiyal ng barangay, walang pondo ang barangay. Nasasabi at naitatanong tuloy ng mga concerned citizen sa barangay: bakit hindi magkaroon ng initiative ang opisyal ng barangay na lumapit sa kanilang Mayor o Congressman upang humingi ng tulong at malutas ang problema sa barangay.
Maraming mga naninirahan sa mga barangay ang nagdarasal na matuloy na sana ang SK at Barangay election sa darating na Mayo. Panahon nang mapalitan at masipa sa tungkulin ang mga bugok, corrupt na mga opisyal ng barangay.
Gayundin ang mga miyembro ng Sangguniang Kabataan. Bigyan ng pagkakataon na maglingkod ang mga matino, matalino at karapat-dapat na mamuno. Sana tumigil na rin ang mga sirkero at payaso sa Kongreso sa kanilang balak na ipagpaliban muli ang SK at Barangay elections. Sapat na ang dalawang ulit na pagpapaliban o postponement. Patuloy na parusa sa mga naninirahan sa barangay kung hindi mapapalitan ang mga bugok na opisyal ng barangay.
Matapos lagdaan ng Pangulong Rodrigo Duterte noong Marso 1, 2018 ang Republic Act 10973, nagkaroon ng subpoena power ang hepe ng Philippine National Police (PNP), ang director ng CIDG at ang deputy director for administration.
Sa paglalagda sa nasabing batas, may kapangyarihan na ngayon na pilitin dumalo ang mga persons of interest o gumawa ng dokumento na may kaugnayan sa gagawing imbestigasyon.
Ayon pa sa isinasaad ng RA 10973, ang subpoena power ay para lamang sa nasabing mga opisyal ng PNP at CIDG. Hindi maaaring ipasa sa ibang mga tauhan ng PNP at CIDG. Ang subpoena ay naglalahad ng layunin ng imbestigasyon sa padadalhan ng subpoena na kailangan ang pagdalo nito. Kakasuhan ng contempt ang hindi pagdalo.
Sa pagkakaroon ngayon ng subpoena power ng hepe ng PNP at CIDG, marami sa ating mga kababayan ang nagdarasal na huwag sanang abusuhin ito ng nasabing mga opisyal. Hindi sana matulad ito sa Oplan Tokhang at Oplan Tokhang Double Barrel na nagbunga ng kamatayan at pagtimbuwang ng libu-libong drug suspect. Naghatid ng matinding takot at pangamba sa marami nating kababayan at kawalan na ng tiwala sa mga pulis lalo na sa mga utak-pulbura at ang katinuan ay napunta sa talampakan.