Ni MARY ANN SANTIAGO

Nagbuwis ng buhay ang isang 46-anyos na lalaki makaraang tagain ng kanyang nakaalitan dahil sa video karera sa Tondo, Maynila, nitong Sabado ng hapon.

Nalagutan ng hininga sa Gat Andres Bonifacio Medical Center ang biktimang si Reynaldo Era Oronos, binata, ng Building 28, Unit 2, Temporary Housing, Vitas Tondo, na nagtamo ng mga taga sa katawan.

Pinaghahanap ng awtoridad ang suspek na kinilala sa alyas na Garci, nasa edad 30-36, stockman sa Pier.

Eleksyon

Diwata, nabudol nga ba ng sinalihang party-list?

Sa imbestigasyon ni Det. Lester Evangelista, ng Manila Police District- Crimes Against Persons Investigation Section (MPD-CAPIS), naganap ang pananaga sa tapat ng tinitirhang unit ng biktima, sa pagitan ng 3:00 hanggang 4:00 ng hapon.

Sa pahayag ni Marjorie Oronos Atip, 40, kapatid ng biktima, naglalaro ng video karera ang kanyang kuya, ang suspek at isang alyas “Ate Bebe” nang magtalo hinggil sa umano’y agawan sa panalo.

Sinasabing unang naghulog ng coins si Oronos saka pumili ng numerong pipindutin, at sinundan ng paghuhulog ng barya ni Garci at tumaya ng kaparehong numero.

Sa paglabas ng numerong tinaya ng dalawa, nag-agawan ang suspek at biktima sa mga barya at nauwi sa away at kumuha umano ng itak si Garci saka tinaga ang biktima.

Isinugod sa ospital ang biktima ngunit huli na ang lahat.