Ni Bella Gamotea

Labinlimang pakete ng hinihinalang shabu ang nakumpiska ng mga pulis sa isang binata na nag-amok sa Makati City, nitong Biyernes ng umaga.

Nakakulong sa Makati City Police ang suspek na si Bernardo Sapiandante Consuela, 37, ng 4050 Laperal Compound, Barangay Guadalupe Viejo ng nasabing lungsod.

Sa ulat ng pulisya, nag-amok ang suspek, gamit ang isang balisong, sa labas ng kanyang bahay, bandang 10:00 ng umaga.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Unang nakatanggap ng tawag ang awtoridad mula sa isang concerned citizen kaugnay ng panggugulo at pagwawala ng suspek sa kanyang mga kapitbahay, na agad nirespondehan ng mga pulis.

Nadatnan pa ng mga pulis ang suspek na hawak ang balisong na 11 pulgada ang haba, sumisigaw, nagmumura at nagbabantang susunugin ang Laperal Compound, at papatayin ang mga nakatira rito.

Walang sinayang na sandali ang awtoridad, katuwang ang mga Bantay Bayan ng naturang barangay, at inaresto ang suspek.

Nang kapkapan, narekober kay Consuela ang 15 pakete ng umano’y shabu, na nagkakahalaga ng P6,000; at ang balisong na ginamit niya sa pag-aamok.

Lumitaw na kabilang sa drugs watch list si Consuela at patuloy na iniimbestigahan sa Station Drug Enforcement Unit (SDEU), upang sampahan ng kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 (RA 9165).