SA simula ng kasalukuyang taon, nais ni Pangulong Duterte na magkaroon ng pangatlong telecommunication firm, na karagdagan sa “duopoly” ng Globe Telecom at PLDT-Smart, sa pagsisikap na mapabuti ang Internet services sa bansa.
Sinabi ng Pangulo na nais niyang magsimula ang pangatlong kumpanya sa Marso, inatasan ang Department of Information and Communication (DICT) at ang National Telecommunication Commission (NTC) na aprubahan ang mga kinakailangang aplikasyon at lisensiya pagkatapos isumite ang kumpletong requirements. Handang mamuhunan sa Pilipinas ang China Telecom Corporation, bagamat nagpahayag din ng interes sa proyekto ang mga kumpanyang Korean, Japanese, American, at Australian.
Gayunman, ang pangatlong telecom firm kasunod ng Globe at Smart ay dapat mula sa Pilipinas, alinsunod sa probisyon na limitado para sa mga dayuhang telecom entity sa 40 porsiyento, at 60% ang nakalaan sa mga Pinoy o korporasyon.
Sa kalagitnaan ng Pebrero, naglabas ng regulasyon ang DICT na, (1) ang lahat ng kumpanyang magbi-bid ay dapat na mayroon nang legislative franchise na kahit 60 porsiyentong pag-aari ng isang Pilipino; (2) dapat na walang kaugnayan sa anumang telco group na may mobile at market share na hindi bababa sa 40 porsiyento; (3) dapat na may sapat na kakayahang teknikal; at (4) dapat na may net worth na aabot sa P10 bilyon.
Gayunman, inalis kamakailan ng DICT ang P10-bilyon requirement. “We will forget about the money and concentrate on the highest committed level of service,” sinabi ni DICT Officer-in-Charge Eliseo Rio, Jr.
Aalamin ng gobyerno ang pangako ng bagong telecom firm— “the area you will cover, the Internet speed you are going to commit, and ‘yung services that you will have after five years.” Sa madaling salita, ano ang ipapangako ng bagong kumpanya sa loob ng limang taon.
Ito ang maaaring maging mga problema sa hinaharap. Nanawagan ang telecom company ng mahusay na capital expenditure (capex) — P300 bilyon sa limang taon o P60 bilyon sa isang taon. Sakaling wala itong net worth na P10 bilyon, posibleng mahihirapan itong makalap ang perang kinakailangan upang mag-operate.
Umaasa tayo sa mas mabilis at pinahusay na Internet service sa Pilipinas at nalalapit na pagpasok ng pangatlong telecom firm, at ang mga dayuhang kasosyo nito ay magiging handa sa usaping pinansiyal at teknikal para pangasiwaan ang larangang ito na may napakalaking epekto sa buhay ng ating bansa at ng ating mga kababayan.