NI Mary Ann Santiago

Ipinaaaresto ng Manila Regional Trial Court (RTC) ang dating editor-in-chief ng Top Gear Philippines dahil sa kasong cyber libel, matapos tumukoy ng maling tao bilang gunman sa isang road rage incident na ikinasawi ng isang siklista noong 2016.

Una nang humingi ng paumanhin at inako ni Vernon Sarne ang pagkakamaling nagawa.

Una rito, tinukoy ni Sarne ang isang Nestor Punzalan bilang suspek sa pagpatay kay Mark Vincent Gallarde, sa away-trapiko sa Quiapo, dahil sa pagkakapareho ng modelo ng kanyang sasakyan sa sasakyan ng tunay na salarin sa krimen.

Politics

Dalawang Tulfo brothers, nanguna sa survey ng senatorial race

Sa kanyang Facebook account, ibinahagi ni Sarne ang Facebook profile at sasakyan ni Punzalan dahilan upang batikusin siya ng netizens.

Kalaunan, sumuko si Von Tanto, army reservist, at inaming siya ang nakapatay sa siklista.

Sa kabila ng pag-amin at paghingi ng tawad ni Sarne, pinakasuhan siya ni Punzalan ng paglabag sa Cybercrime Prevention Act of 2012 o RA 10175 sa Department of Justice (DoJ).

Kamakailan, inirekomenda ng DoJ na iakyat sa korte ang kaso laban kay Sarne nang makitaan ng probable cause dahil sa pag-amin nito sa pagkakamali, habang inabsuwelto ang iba pang staff ng Top Gear Philippines dahil sa kawalan ng ebidensiya na may kinalaman sila sa insidente.

“He admitted having posted the subject photo and video of complainant’s vehicle and assumed full responsibility on the said act,” saad sa resolusyon ng DoJ.

Nang maisampa ang kaso, agad nag-isyu ang Manila Regional Trial Court (RTC) Branch 12 ng warrant of arrest laban kay Sarne at nagrekomenda ang hukuman P10,000 piyansa para sa pansamantala niyang paglaya.