Ni Ric Valmonte
PANSAMANTALANG natigalgal noon ang sambayanan sa mga araw-araw na pagpatay sa mga umano’y sangkot sa ilegal na droga at nanlaban sa mga pulis nang sila ay aarestuhin. Matapang na inihayag ng Pangulo na inaako niya ang responsibilidad ng mga pulis na nakapatay sa pagpapatupad ng kanyang polisiya laban sa droga. “Akin ito,” wika niya. Kaya walang araw na lumipas na walang napapatay. Noong panahon na iyon, kahit pansamantala, tila umiral ang martial law, dahil bumaha ng dugo at luha sa bansa.
May mga listahang iwinawagayway ang Pangulo sa mga pagkakataong nagsasalita siya sa publiko. Mga sangkot, aniya, ang mga ito sa bentahan ng droga. Natakot ang mga taong nakasulat ang kanilang pangalan sa listahan. Bakit nga naman hindi, eh si Mayor Rolando Espinosa, Sr. ng Albenera, Leyte, na nasa listahan, ay nagtungo pa sa Camp Crame, kasama ang maraming tulad niya, sa utos ng Pangulo, para linisin ang kanilang pangalan. Pinatay rin siya habang nasa loob ng piitan na pinagdalhan sa kanya pagkatapos nitong madakip sa bintang na sangkot siya sa illegal drug trade. Eh sa listahan din ng Pangulo, may pitong hukom na kasama. Inatasan niya ang mga ito, gaya ng ginawa niya sa mga iba, na iprisinta ang kanilang sarili sa mga awtoridad upang magpaliwanag.
Dito, unang nagkasagupa ang Pangulo at si Chief Justice Sereno nang lumiham siya sa Pangulo. Iyong isang hukom, aniya, ay siyam na taon nang tinanggal sa serbisyo, samantalang iyong isa ay pinatay ng mga drug lords, walong taon na ang nakararaan. Ang apat naman ay hindi tumatangan ng drug case. Isa lang daw ang may kaugnayan sa droga dahil ang korte ng hukom ay itinalaga na siyang lilitis sa mga drug case. Sa nasabing liham, ito ang mabigat na sinabi ni Sereno sa Pangulo: “Nababahala ako sa kanilang kaligtasan at kakayahang ipagpatuloy pa ang kanilang tungkulin pagkatapos na mabanggit ang kanilang pangalan. Ang Korte Suprema lamang ang may kapangyarihang magdisiplina ng mga hukom.Upang mapangalagaan sila sa pagtupad ng kanilang tungkulin bilang protektor ng karapatan ng mamamayan sa Saligang Batas, mariin ko silang pinaaalalahanan na huwag sumuko o mapanagot ng mga pulis nang walang warrant of arrest.”
Napakalaking bagay ang ginawang ito ni CJ Sereno sa taumbayan. Sa panahong sila ay nahihintakutan at naguguluhan, may isang taong matapang na sumalungat sa walang patumanggang pagpatay at paglabag sa kanilang karapatang pantao.
Totoo, ang binigyan niya ng proteksyon ay mga hukom lalo na iyong buhay pang nasa listahan ng Pangulo, pero ang mahalaga, sa malakas na nananalasang pwersang mapaniil at pumapatay, may isang taong ipinasanggalang ang batas.
Ipinamukha dito na tayo ay sibilisadong lipunan na ang dapat manaig ay ang lakas ng batas at hindi batas ng lakas.
Nahimasmasan ang mamamayan at naging gabay nila si Sereno para ipaglaban ang kanilang karangalan at karapatan.
Anong kwenta ng mga batayan ng impeachment laban kay Sereno sa ginawa niyang ito?