Nina Ellson A. Quismorio at Hannah L. Torregoza
Bumoto ang House Committee on Suffrage and Electoral Reforms para bumiling ipagpaliban ang Barangay at Sangguniang Kabataan (SK) elections, sa ginawang pagdinig ng Kamara ngayong Lunes.
Labimpitong kongresista ang bumoto para itakda ang panibagong petsa ng eleksiyon sa Oktubre 8, 2018 mula sa Mayo 14, 2018.
Tinalakay sa pagdinig ng komite, sa pangunguna nig chairman nitong si CIBAC Party-List Rep. Sherwin Tugna ang apat na panukala sa muling pagpapaliban sa halalan, ang House Bill (HB) Nos. 7072, 7128, 7167, at 7217, na nag-aamyenda sa Republic Act 9164.
Gayunman, ipinagkibit-balikat lang ng ilang senador ang pagsusulong ng Kamara na muling ipagpaliban ang halalan, sinabing duda sila kung posible ito dahil limitado na ang panahon ng Kongreso, na malapit nang simulan ang isang-buwang bakasyon.
Ito na ang ikatlong pagkakataon na kumilos ang Kamara upang ipagpaliban ang eleksiyon, na orihinal na itinakda noong Oktubre 2016, limang buwan matapos ang presidential elections.
Taong 2013 pa huling idinaos ang Barangay at SK elections sa bansa.