Ni Clemen Bautista
MARAMING tradisyong Pilipino sa panahon ng Lenten Season o Kuwaresma na kaugnay ng huling 40 araw ng public ministry o pangangaral na Kristo ang binibigyang-buhay, ginugunita, ginagawa at pagpapahalaga ng mga Kristiyanong Katoliko.
May naniniwalang sa pagsasagawa ng nasabing tradisyon, nagpapalalim ito ng kanilang pananampalataya. May naniniwala naman na ang pagsasagawa ng tradisyon kaugnay ng Kuwaresma, ay bahagi ng kanilang pagbabalik-loob at paggunita sa mga hirap, sakit, kamatayan sa krus at muling pagkabuhay ni Kristo. Tagumpay sa kamatayan na pagtubos sa sala ng sangkatauhan. Mababanggit ang Via Crucis o Way of the Cross sa loob ng mga simbahan at kapilya. May nagsasagawa nito na mag-isa, ng mag-asawa o ng pamilya. May mga nagbi-Visita Iglesia. Marami rin ang mga nagpi-pinetensiya sa mga lansangan. Ginagawa ng mga flagellants sa paniwalang bahagi iyon ng kanilang pagbabayad-sala. Binibigyang-buhay rin ang Pabasa o Pagbasa ng Pasyon sa bahay ng mga may-ari ng imahen na isinasama sa prusisyon kung Miyerkules Santo, Biyernes Santo, at Easter Sunday o Linggo ng Pagkabuhay.
Ang nabanggit na mga tradisyon ay nakaugat na sa kultura nating mga Pilipino. Hindi nalilimot na bigyang-buhay at pagpapahalaga sa panahon ng Kuwaresma lalo na kung Semana Santa. Dinarayo at nagiging tourist destination sa mga bayan sa lalawigan ng iniibig nating Pilipinas.
Sa Angono, Rizal na Art Capital ng Pilipinas at bayang sinilangan ng dalawang National Artist na sina Carlos Borong Francisco at Maestro Lucio San Pedro, isa sa mga tradisyon na binibigyan ng pagpapahalaga sa panahon ng Kuwaresma ay ang Semana Santa exhibit ng mga imahen ng iba’t ibang santa at santo. Gayundin ng mga imahen ni Kristo. Mga tagpo sa Kanyang buhay tulad ng pagpasok sa Jerusalem sakay ng isang bisiro, ang Huling Hapunan, Paggapos sa haliging bato, Pagpapasan ng krus, Pagpapako sa krus at muling Pagkabuhay.
Ngayong 2018, sinimulan at binuksan ang Semana Santa sa Angono nitong Marso 10. Ang Semana Santa Exhibit ay nasa unang palapag ng Formation Center ng Saint Clement parish at sa kanang bahagi ng Simbahan. Ang pagbubukas ng Semana Santa exhibit ay pinangunahan ni Father Gerry Ibarola, kura paroko ng Parokya ni San Clemente. Dinaluhan ng mga may-ari ng imahen sa Angono na kasama sa exhibit; ng pamunuan ng Samahang Semana Santa, ng mga miyembro ng religious organization, pamunuan ng parish pastoral council, ng mga parishioner at iba pang may mga panata at debiosyon sa mga santa at santo na nasa exhibit. Matapos ang pagbubukas ng Semana Santa exhibit at pagbabasbas sa mga imahen, kasunod na ang Rosario Cantada.
Ayon sa pamunuan ng Samahang Semana, ang Semana Santa exhibit ay matatapos sa Marso 16, 2018. Sa bawat gabi ng exhibit, bahagi ang Rosario Cantada. Sa umaga ng Marso 16, na huling araw ng Semana Santa exhibit, tampok naman ang Pabasang Bayan na alay sa mga imahen na kasama sa exhibit.
Ang mga imehan ng santa at santo na kasama sa Semana Santa exhibit ay century old na o mahigit pa na iniingatan at inaaalagaan ng mga naging tagapagmanang anak o apo sa mga magulang nila na nagpundar at nagpagawa ng nasabing mga imahen. Mababanggit na mga halimbawa ang mga imahen ng Tatlong Maria na sina Sta. Maria Magdalena, Sta. Maria Jacobe at Sta. Maria Salome. Gayundin ang imahen nina Sta. Veronica at Sta. Juana at ng Risen Christ.
Ang mga may-ari ng mga imahen, bilang panata at bahagi ng tradisyon ay nagpapa-Rosario Cantada at Pabasa sa kanilang bahay. Karaniwang nagsisimula ng Linggo ng Palaspas hanggang Biyernes Santo. May libreng pakain sa mga dumadalo sa Rosario Cantada at Pabasa.
Ang Pabasa at Rosario Cantada ay pinaghahandaan talaga ng mga may-ari ng imahen na may iba-ibang paniwala. Ang imahen ay tagapag-ugnay nila sa Diyos. Nakatatanggap sila ng mga blessing o biyaya. At higit sa lahat, ang inaalagaang imahen ay nagsisilbing buklod ng magandang pagsasama ng kanilang angkan. Sa Pabasa at Rosario Cantada, nagkikita-kita at parang reunion ng mga magkakamag-anak. Bahagi na ng kultura na hindi nalilimutan ng mga taga-Angono, Rizal.