Ni NITZ MIRALLES
BULLY pala si Jak Roberto sa sister na si Sanya Lopez at nai-record pa sa video ang pambu-bully niya rito.
Napanood namin ‘yung isang video na pinuna ni Jak ang suot ni Sanya na medyo sexy. Bakit daw ganu’n ang suot ng kapatid. Ipinagyayabang daw ba nito na fit ito?
Sa isa pang video clip kami natawa dahil ibinuking ni Jak na nag-uulam ng spaghetti sa kanin si Sanya. Nakakatawa ang comments ng netizens at kita na parang napahiya si Sanya at tumayo sa upuan habang kumakain.
Nang makausap namin si Jak sa presscon ng Contessa, itinanong namin kung totoong nag-uulam ng spaghetti sa kanin ang kapatid. Hindi raw totoo, biniro lang daw niya at mabuti’t hindi napikon.
Anyway, masaya si Jak na kasama siya sa cast ng Contessa na magpa-pilot sa March 19, pagkatapos ng Eat Bulaga.
“Maaksiyon ang mga eksena ko rito sa Contessa, ang saya at masarap gawin. Mabuti at nagbo-boxing at Muay Thai ako, hindi nanibago ang katawan ko. Honored din ako na makasama ang buong cast na pawang magagaling, alam kong marami akong matututunan sa kanila. Na-intimidate nga ako kay Glaiza (de Castro) sa mga nauna naming eksena dahil alam nating mahusay siyang aktres. Pero mabait siya, kaya mabilis nawala ang pagkailang ko,” kuwento ni Jak.
Ginagampanan ni Jak sa Contessa ang role ni Santiago “Jong” Generoso, close friend na may lihim na pagmamahal kay Bea (Glaiza). Mula sa direksiyon ni Albert Langitan, tungkol ito sa paghihiganti at women empowerment.