Ni Alexandria Dennise San Juan

Sa libu-libong nominadong guro mula sa iba’t ibang panig ng mundo, isang principal sa pampublikong paaralan sa Iloilo ang napabilang sa top 10 finalists para sa 2018 Global Teacher Prize ng Varkey Foundation.

Sinabi kahapon ng Department of Education (DepEd) na napabilang si Dr. Jesus Insilada, principal ng Caninguan National High School mula sa Calinog, Iloilo, sa top 10 finalists ng prestihiyosong gantimpala mula sa 30,000 nominado mula sa 170 bansa.

Ang mga finalist ng Global Teacher Prize, na kumikilala sa mga guro na nagkaloob ng natatangging kontribusyon sa kanilang propesyon, ay inihayag nitong Pebrero 14 ng tanyag na pilantropong si Bill Gates sa pamamagitan ng YouTube channel ng foundation.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Si Dr. Insilada, na guro at miyembro ng Panay-Bukidnon Indigenous Peoples’ (IP) community, ay nagtuturo alinsunod sa kultura ng kanyang mga estudyante, at napagtagumpayang mapabuti ang grado ng 87 porsiyento ng kanyang mga estudyante na tinuruan niya ng mga tradisyunal na sayaw, awiting, laro, at gawang sining.

Bukod sa pagtuturo, aktibo ring isinusulong si Dr. Insilada ang mga karapatan at kapakanan ng mga katutubo, at nagsisikap na bigyang-diin ang kultura sa pagtuturo.

“Hindi ako makapaniwala, deep inside, I was hoping na makasali sa Top 10. Masaya. I feel flattered of the opportunity to share my story para maging inspirasyon sa iba,” sabi ni Dr. Insilada.

Kinikilala ngayon si Dr. Insilada bilang isa sa “10 best teachers in the world” kahilera ang iba pang mga finalist mula sa Turkey, South Africa, Colombia, Amerika, Brazil, Belgium, Australia, United Kingdom, at Norway, na pawang nagdulot ng mga positibong pagbabago sa buhay ng kanilang mga estudyante at komunidad.

Dadalo si Dr. Insilada sa awarding ceremony sa Dubai, United Arab Emirates (UAE) ngayong buwan, kasabay ng Global Education Skills Forum.

Sakaling mapanalunan niya ang $1 million premyo, sinabi ni Dr. Insilada na magpapatayo siya ng museo na magtatampok sa kulturang Panay Bukidnon, bukod pa sa bibigyang suporta ang mga lokal na pagtatanghal at magsasanay ng mga guro.

Si Dr. Insilada ay ilang beses nang nagwagi ng Carlos Palanca Award at ginawaran din ng 2017 Princess Maha Chakri Award. Kabilang din siya sa 2014 Metrobank Foundation Outstanding Teachers, at national awardee ng “The Many Faces of the Teacher” ng Bato Balani Foundation, Inc. noong 2013.