Ni Angelli Catan
Ngayong buwan ay masasaksihan natin ang dalawang full moon. Isang Worm Moon at Blue Moon. Noong Marso 2 ay nagpakita na ang Worm Moon. Sa Marso 31 naman ang Blue Moon.
Alam ng karamihan na nagkakaroon lamang ng Blue Moon kapag dalawang beses may full moon sa isang buwan. Ang Worm Moon ay madalang lang natin marinig at kung minsan ay iba ang tawag dito.
Pero ano nga ba ang Worm Moon?
Nanggaling ang salitang Worm Moon sa Old Farmer’s Almanac. Ang Almanac na ito ay naglalaman ng mga paksa tungkol sa gardening, sports, astronomy, at folklore.
Sinasabi na tuwing nagkakaroon ng Worm Moon ay lumalambot na ang lupa at lumalabas ang mga bulate. Tumataas din ang temperatura na senyales na magtatapos na ang taglamig at mag-uumpisa na ang tagsibol.
Ang Worm Moon ay tinatawag din ng iba na Sap Moon, Sugar Moon, Crow Moon, Crust Moon o Corn Moon. Lahat may kaugnayan sa pagsasaka o pagtatanim.
Kaya nagkaroon ng dalawang full moon ngayong Marso dahil hindi nagkaroon ng full moon ng Pebrero. Kada 19 taon ay walang full moon ang buwan ng Pebrero. Sa taong 2037 pa ulit mauulit ang ganitong pangyayari.
Kung hindi mo nakita ang Worm Moon ay maaari mo namang makita ang Blue Moon sa darating na Marso 31.