Ni REGGEE BONOAN

KINULIT namin si Angeline Quinto tungkol sa naunsyaming ‘hintayan’ nila ni Erik Santos.

“Wala nang hinatayan, Ate Reggs, hindi na namin napag-uusapan ni Erik ‘yun, magkaibigan na lang talaga kami. Siguro hanggang doon na lang kami,” seryosong sagot ni Angge.

ANGELINE copy

Tsika at Intriga

Delikado mga pogi? Migs Bustos dumulog sa NBI, ginamit mukha sa 'love scam'

May mga nanliligaw sa kanya pero parang wala siyang type.

“Gusto ko kasi, Ate Reggs, simple lang, hindi ko nakita ‘yon sa kanila kaya siguro hindi nag-work out. Ang importante kasi sa akin, unang-una po, makakasundo ni Mama Bob (nagpalaki sa kanya), siyempre matimbang sa akin na gusto ng nanay ko.”

Si Erik Santos ba gusto ni Mama Bob?

“Sobrang gustung-gusto, Ate Reggs at si Erik alam niya ‘yun. ‘Yung tipong kahit anong oras pumunta si Erik sa bahay, welcome siya. Kasi si Erik malambing kay Mama Bob, kaya isa iyon sa nagustuhan ko sa kanya, sa kapatid ko.

“Bihira kasi sa lalaki ang ganu’n na lahat pakikisamahan kaya naging malapit sa kanya ang mama. Ang mama niya at mama ko, magkasundo,” pagtatapat ng dalaga.

Hindi pa handang ma-in love uli si Angge kaya wala siyang boyfriend.

“Kasi po kapag na-in love ako, naaapektuhan ang trabaho ko, eh, sa ngayon trabaho po ang prayoridad ko. Ayokong mangyari iyon ngayon. Maraming dapat unahin sa ngayon.”

Samantala, produkto ng singing contest si Angeline kaya inusisa namin kung hindi ba niya naisip na mag-audition sa Singer 2018 tulad ni KZ Tandingan.

“Siguro kung pagdating po sa singing contest, sobrang kuntento na ako sa Pilipinas. Iba rin pag international pero ang puso ko, nandito talaga. Katulad nina Rachel Ann Go, siguro pangganu’n talaga sila, international artist. Hindi ko nakikita ‘yung sarili ko na ganu’n. Ilang linggo nga lang ako mawalay sa pamilya ko, sobrang nalulungkot ako,” madamdaming pagtatapat ni Angeline.

E, puwede namang isama ang pamilya.

“Hindi ko po alam, siguro alam mo kung kuntento ka o hindi, eh, okay na ako rito.”

Nakakatawid siya sa pag-arte kaya nagpapasalamat si Angeline na may acting jobs din siya.

“Bonus na lang po siguro ‘yung pag-arte ko kasi priority ko pa rin po ang pagkanta, katulad sa Ang Probinsyano.

Parang ilang taon, gumawa ulit ako ng teleserye, nagulat ‘yung katawan ko kasi hindi na ako sanay na. Hindi ko sinasabing ayokong magteleserye, pero bilang singer po, mahirap ang magpuyat. ’Yan lagi ang pinag-uusapan namin ni Kuya Janno (Gibbs), na mahirap ang magpuyat kapag singer ka.”

Hindi naman daw puyatan ang tapings ng I Can See Your Voice bukod pa sa parang naglalaro lang sila sa masayang show dahil hindi scripted ang mga sinasabi nila.

“Gumagawa po kami ng three episodes sa isang taping. Ang daming natutuwa sa show kaya nakakatuwa kapag naririnig mo, lalo na sa ibang bansa, bukambibig nila ang I Can See Your Voice bukod sa ASAP na pinapanood nila,” nakangiting kuwento ni Angge.

“Hinihintay ko nga na may makita akong kakilalang amateur singers at talagang papanalunin ko siya, tutulungan ko siya.”

‘Katuwa si Angeline. Kaya laging pinagpapala dahil marunong tumulong sa mga baguhan. Ito ang isa sa mga dahilan kaya love na love namin siya ni Bossing DMB. At kahit sumikat na, hindi nakakalimot, ang attitude parang noong unang araw na ipakilala siya sa entertainment press. Hanggang ngayon ay nakakatanda pa rin. Take note, pati mga pinag-uusapan, natatandaan niya. Grabe ang memory ng babaeng ito!