Ni Tara Yap

ILOILO CITY, Iloilo - Nawawala pa rin ang dalawang seaman na estudyante ng isang maritime school sa Iloilo City matapos na masunog ang sinasakyan nilang container ship sa laot ng Agatti Island sa India, nitong Miyerkules ng gabi.

Kinilala ng John B. Lacson Foundation Maritime University (JBLFMU)-Iloilo City ang dalawa na sina John Rey Begaso, ng Jaro, Iloilo City; at Janrey Genovatin, ng Oton, Iloilo.

Sina Begaso at Genovatin ay kabilang sa 27 tripulante ng Maersk Honam.

Probinsya

Tinatayang 132,000 pamilya, lumikas sa Eastern Visayas dahil sa super typhoon Pepito

Sinabi naman ni Dr. Ronald Raymond Lacson Sebastian, chief executive officer ng JBLFMU, na ang dalawa na parehong 21-anyos ay kapwa rin engine cadets ng Maersk Honam, na pag-aari ng Maersk Line, ang pinakamalaking container ship sa buong mundo.

Naglalayag ang nasabing barko sa Arabian Sea sa Agatt Island, India patungong Suez sa Egypt galing sa Singapore nitong Marso 1 nang biglang sumiklab ang isang bahagi nito.

Naiulat na tinangka pang apulahin ng mga tripulante ang sunog ngunit nabigo ang mga ito.

Nagawang mailigtas ng mga rescuer ang mga tripulante, maliban kina Begaso at Genovatin, na patuloy pang pinaghahanap.

“The entire JBLFMU community continues to pray for the safety and eventual return of the two cadets to their families,” sabi pa ni Sebastian.