Ni Kate Louise B. Javier

Tinatayang P350,000 halaga ng hinihinalang shabu, mga baril at bala ang nakumpiska sa isa umanong tulak ng ilegal na droga sa raid sa Caloocan City, nitong Huwebes.

Nakakulong sa Caloocan City Police ang suspek na si Arnold Dela Cruz, 46, ng Nadurata Street, Barangay 27, Maypajo ng nasabing lungsod.

Ayon kay Police Community Precinct (PCP) 2 commander, Senior Insp. Dave Anthony Capurcos, si Dela Cruz ay kabilang sa drugs watch list ng kanilang barangay bilang drug pusher at may kasalukuyang kaso sa droga sa Navotas City.

National

DepEd, sinabing walang korapsyon sa pamumuno ni Sonny Angara

Sa bisa ng search warrant na inisyu ni Caloocan Regional Trial Court Branch 122 Judge Georgina Hidalgo, malayang nahalughog ng raiding team ang bahay ni Dela Cruz, bandang 11:00 ng umaga.

Hindi na nakapalag si Dela Cruz nang dakpin siya ng mga pulis at isinuko ang isang malaking pakete ng umano’y 100 gramong shabu na kanyang itinago sa kisame.

Bukod pa rito ang narekober na isang caliber .9mm pistol, isang caliber .38 revolver, mga bala, patalim, at drug paraphernalia.

Ayon kay Senior Supt. Jemar Modequillo, hepe ng Caloocan Police, inamin ni Dela Cruz na siya ay drug courier at gumagamit ng ilegal na droga dalawang beses sa isang araw.

Sasampahan ng kaukulang kaso ang suspek.