NI Jeffrey G. Damicog

Arestado ang isang lalaki na sinasabing sangkot sa online child pornography at live streaming ng seksuwal na pang-aabuso sa mga menor de edad, ayon sa National Bureau of Investigation (NBI).

Kinilala ni NBI-Anti-Human Trafficking Division (AHTRAD) Chief, Janet Francisco ang suspek na si Anselmo Ico, Jr., alyas Jaja Jhoncel.

Agad isinailalim sa inquest proceedings sa Department of Justice (DoJ) ang suspek para sa kasong paglabag sa Republic Act 9208, na inamyendahan ng RA 10364 (Expanded Anti-Human Trafficking in Persons Act of 2012); Cybercrime Prevention Act of 2012 (RA 10175); Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act (RA 7610); at Anti-Child Pornography Act of 2009 (RA 9775).

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Naaresto si Ico sa entrapment operation ng pinagsanib na puwersa ng AHTRAD at ng Philippine National Police-Women and Child Protection Center (PNP-WCPC) sa Barangay Anilao sa Malolos City, Bulacan nitong Huwebes.

Kasama rin sa operasyon ang mga kinatawan ng Norway Police, United State’s Homeland Security Agency (HSA), Federal Bureau of Investigation (FBI) at ng International Justice Mission (IJM).

Sa kasagsagan ng operasyon, sinabi ni Francisco na nasagip ang limang menor de edad, apat na babae at isang lalaki, na nasa edad 2-16.

Aniya, isinagawa ang operasyon batay sa impormasyong ipinadala ng Norway’s National Criminal Investigation Service (NCIS).

Sinabi ng NCIS na nadakip nila ang Norwegian na si Ketil Andersen habang bumibili ng child pornography materials at live stream ng pagtatalik mula sa Pilipinas.

Kasunod ng pagkakadakip kay Andersen, ginamit ng NCIS ang kanyang Skype accounts at nakipag-ugnayan sa kanyang contacts na kinabibilangan ni Ico na gumagamit ng iba’t ibang pangalan sa Skype upang makausap ang kanyang mga kliyente.