Ni Jel Santos
Nilinaw kahapon ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na fake news ang report na kumalat sa social media na hindi na paparahin ng mga traffic enforcer ang mga motorista sa anumang paglabag sa batas-trapiko dahil sa pagpapatupad ng ahensiya ng “no contact apprehension” policy (NCAP).
Alinsunod sa NCAP, gagamitin ang mga closed circuit television (CCTV) camera sa pagtukoy sa mga pasaway sa batas-trapiko.
Hinimok ni Jose Arturo “Jojo” Garcia, MMDA OIC general manager, ang publiko na itigil ang pagpapakalat sa online ng mga mali-maling report.
“It’s fake news. We deny such reports. It is not true there’s no more ground apprehension,” sinabi ni Garcia sa press conference sa MMDA headquarters sa Makati City.
Aniya, tanging sa mga opisyal na social media account ng MMDA sa Facebook at Twitter nagpapalabas ng mga pahayag ang ahensiya.
Giit pa ni Garcia, istriktong ipinatutupad ng ahensiya ang NCAP, sa utos ni MMDA Chairman Danilo “Danny” Lim.
Umaabot na sa mahigit 100,000 traffic violation ang naitala ng NCAP simula Disyembre 2017 hanggang Pebrero 28, 2018, batay sa datos ng MMDA.