Ni Marivic Awitan

Mga Laro Ngayon

(Filoil Flying V Center)

8:00 n.u. -- Adamson vs UE (M)

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

10:00 n.u. -- NU vs FEU (M)

2:00 n.h. -- Adamson vs UP (W)

4:00 n.h. -- NU vs. La Salle (W)

ITATAYA ng National University ang kanilang pamumuno habang tatangkain ng De La Salle University na makabawi sa pagkatalong nalasap sa Lady Bulldogs sa unang round sa muli nilang pagtutuos ngayong hapon sa UAAP Season 80 volleyball tournament women’s division sa Filoil Flying V Center sa San Juan.

Magsisimula ang second round meeting ng Lady Bulldogs at Lady Spikers ngayong 4:00 ng hapon pagkatapos ng sagupaan ng Adamson at University of the Philippines ganap na 2:00 ng hapon.

Matatandaan ang NU sa pangunguna nina Jaja Santiago at Jasmine Nabor ang unang tumalo sa Lady Spikers sa first round bago ito natalong muli sa Adamson University.

Kaya naman, inaantabayanan ang muli nilang paghaharap upang malaman kung makakabawi ang La Salle o patutunayan ng Lady Bulldogs na seryoso silang contender para sa title.

“Actually magandang laban, actually ‘yung La Salle-NU.. Siyempre alam namin na talagang babawi at babawi ang La Salle, pero pagta-trabahuhan namin, pag-iigihan namin,” pahayag ni NU coach Babes Castillo.

“Laban lang ng laban, kahit sinong kalaban, sige fight, ganoon,” aniya.

Para naman kay La Salle coach Ramil de Jesus, kinakailangang pagbutihin pa ng kanyang koponan pagdating sa end game.

Ito ang nakita niyang kulang sa Lady Spikers sa nakaraang panalo nila kontra Ateneo de Manila sa pagtatapos ng first round.

“Yung determination na manalo andun na. Yung character, pero may kulang pa rin. May kailangan pang ayusin na skills lalo yung pang endgame, may kulang pa. “ wika ni de Jesus.

Kasalukuyang magkasunod sa 1-2 puwesto ang NU at La Salle taglay ang markang 6-1at 5-2, ayon sa pagkakasunod.

Samantala sa unang laro, sisikapin ng Adamson Lady Falcons (3-4) na makabawi sa natamong kabiguan sa kamay ng University of the East sa pagtatapos ng first round sa pagsagupa nila sa University of the Philippines (2-5) upang tumatag sa 4th spot.