MAGANDANG balita ang pangunguna ng Pilipinas sa mga bansang “worthy of investment”, base sa survey ng US News and World Report. Binanggit ng report ang $304.9-billion Gross Domestic Product (GDP) ng bansa, ang 103 milyong populasyon nito, at ang $7,739 GDP per capita na pawang ikinonsidera sa naging resulta ng pag-aaral. Kasunod ng Pilipinas ang Indonesia, Malaysia, Poland, Singapore, Australia, Spain, Thailand, India, at Oman.
Iniulat ng ating Board of Investments (BOI) na sa unang dalawang buwan ng taong ito, umabot sa P131.6-bilyon halaga ng mga proyekto ang investment mula sa iba’t ibang bansa. Kung ikukumpara ito sa P26 bilyon sa unang dalawang buwan noong 2017, mas mataas ito ng 402 porsiyento. Nangunguna sa mga bagong investment ang limang solar power project, na nagkakahalaga ng P60 bilyon.
Gayunman, nagpahayag ng pag-aalala ang Philippine Economic Zone Authority (PEZA) na ang magandang balitang ito tungkol sa mga bagong investment ay mawawalan ng saysay dahil sa Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) Law. Ang unang bahagi ng bagong batas sa buwis (TRAIN1) ay para sa pagpapababa sa income tax rates ng manggagawa, habang tataasan ang buwis sa diesel at iba pang petrolyo, sa panggatong, at sa matatamis na inumin. Ang ikalawang bahagi ng batas (TRAIN 2) ay nakatakdang ipahayag ngunit nangangamba ang PEZA na sa pagsisikap nitong mapalaki ang pondo ng pamahalaan sa pamamagitan ng buwis ay maaaring mabawasan ang insentibong humikayat sa mga mamumuhunan sa Pilipinas.
Sinabi ni PEZA Director General Charito Plaza na nangangamba ang ilang negosyante na matagal nang namumuhunan sa Pilipinas. Nalulugod sila na sa TRAIN 1, ang PEZA ay may insentibong zero value-added tax (VAT). Ngunit ngayon ay mayroon nang TRAIN 2 na magtatakda ng criteria sa pagpapatupad ng insentibo.
Sinabi niya na ang foreign investment sa mga export zone sa bansa sa loob ng 22 taon simula noong 1995 ay umabot na sa P3.6 trilyon. Ang PEZA ay direktang tumatanggap ng 1.42 milyong Pinoy, at indirect employment na pitong milyon. Mayroon nang mahigit 4,000 locator, na namuhunan ng $706 billion sa nakalipas na 22 taon; ang kabuuan ng kanilang local purchase ay umabot sa P296 bilyon.
Simula noong unang bahagi ng taon, tumaas ang presyo ng mga bilihin at ang TRAIN 1 ang pinaniniwalaang dahilan, partikular na ang tumaas na excise tax sa diesel at sa iba pang produktong petrolyo. Nagpahayag ng pag-aalala ang PEZA sa magiging epekto ng TRAIN 2 sa mga dayuhang mamumuhunan na kasalukuyang nag-o-operate sa mga export zone ng bansa.
Kailangan natin ang pondo na nakukuha sa TRAIN Law, ngunit dapat siguruhin ng ating economic managers na hindi ito magdudulot ng masamang epekto sa ating mga kababayan at sa ating ekonomiya. Natanggap natin ang magandang balita mula sa US News and World Report survey na ang Pilipinas ay No. 1 sa mundo sa mga bansang “:worthy of investment”. Ngunit nagpahayag din ng pag-aalala ang PEZA, inisip ang mga mamumuhunan na nasa ating export zones.
Dapat itong pag-aralan ng Department of Finance at ng Kongreso dahil kung hindi, ang lahat ng ating pagsisikap sa nakalipas na 22 taon ay mababalewala dahil sa TRAIN 2 law.