Ni Martin A. Sadongdong

Inaresto ng Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) ng Philippine National Police (PNP) ang leader at ang dalawang miyembro ng isang matinik na grupo ng kriminal na nagpapanggap na mga bigating opisyal sa gobyerno upang mangikil ng pera, sa operasyon sa Rodriguez, Rizal, kinumpirma kahapon ng ranking police official.

Kinilala ni Senior Superintendent Wilson Asueta, head ng CIDG-National Capital Region (NCR), ang suspek na sina Henry Halaghay, 67, na sinasabing leader ng Halaghay group; Antonio Cerbito; at Rogem Montesa, na kapwa nasa hustong gulang at nagsisilbing researcher at caller ng grupo.

Ayon kay Asueta, inaresto si Halaghay sa kanyang tinutuluyan sa Room D Nelson’s Apartment, Libongco 3, Barangay Manggahan, Rodriguez, Rizal, nitong Miyerkules ng hapon.

National

5.9-magnitude na lindol, yumanig sa Southern Leyte; Aftershocks at pinsala, asahan!

Naaresto naman sa follow up operation ang dalawa pang suspek, dagdag niya.

Isiniwalat ni Asueta na ginagamit ng grupo ang pangalan ng mga bigating opisyal sa gobyerno at military officials upang makapanghuthot ng pera sa kanilang target.

Kabilang sa pangalan na ginagamit ng mga suspek ay sina Special Assistant to the President Christopher “Bong” Go at Philippine Army Commanding General Lt. General Joselito Bautista.

Sinabi ni Asueta na modus ng grupo na tawagan at i-text ang kanilang mga biktima na may on-going transaction sa Mega Rehabilitation Center project ng gobyerno sa Fort Magsaysay sa Nueva Ecija at nag-”solicit” ng P50,000 donation “so that their pending transaction be immediately acted upon.”

“They also ask (for) a grease money to facilitate the speedy transaction of their pending bid for the project,” dagdag niya.

Ayon kay Asueta na sa oras na pumayag ang biktima sa hinihingi ng grupo, ipinapadala nila ang pera sa pamamagitan ng “Bayad Padala” Center.