Ni REGGEE BONOAN

NATANONG ang presidente/CEO ng Cornerstone Entertainment, Inc. na si Erickson Raymundo sa media conference sa Luxent Hotel kung ano na ang nangyari sa offer sa kanya ng ABS-CBN management na pangasiwaan ang Star Magic, talent development and management agency ng network.

Untitled-13 copy

Bagamat nananatiling consultant, matagal nang nagretiro si Mr. Johnny “Mr. M” Manahan na pinalitan ni Ms. Mariole Alberto.

Tsika at Intriga

'Back to you mamang!' Chloe, rumesbak kay Ai Ai matapos hiwalayan ni Gerald?

Bilib ang ABS-CBN management sa pamamalakad ni Erickson sa talents niya umpisa kay Sam Milby noong 2005 na umabot na ngayon sa 80 artists at marami na ang tinanggihang nagpapahawak din ng career nila.

“I declined the offer,” sagot ni Erickson.

Hindi na nag-elaborate pa ang manager/producer kung bakit, na tila ayaw na niyang humaba pa ang usapan.

Pero dahil sadya kaming makulit kaya napilitang magkuwento si Erickson pagkatapos ng presscon.

“Ipinaliwanag ko sa management na hindi ko maiiwan ang Cornerstone family. Hiningi ko rin ang opinion ng bawat artist ko, hindi lang naman ako ang dapat mag-decide rito. And we come out with the decision na baka hindi ko sila matutukan na, at saka hindi puwedeng dalawa ang tutukan ko. Definitely, mawawala ang Cornerstone kung mag-Star Magic ako.”

Bukod kasi sa talent management ni Erickson ay may Spring Films na nagsimula noong 2009 na siya rin ang presidente at kasosyo niya sina Piolo Pascual, Direk Joyce Bernal, DP Shayne Sarte at isa pang businessman.

Malaking dahilan din ang production company kaya hindi niya tinanggap ang pamamahala sa Star Magic. Ang Spring Films ay mabilis na naging big player sa local movie industry simula nang iprodyus ang Kimmy Dora (tatlong pelikula), Relaks, It’s Just Pag-Ibig, Northern Lights (co-prod with Regal Films), Kita Kita, Last Night at Meet Me in St. Gallen.

Nasa pre-production stage na rin ang Marawi na isang war movie na kukunan mismo sa pinangyarihan ng bakbakan ng militar at Maute/Abu Sayyaf.

“Kailangang maumpisahan na kasi may mga kasunod pa, as of now, third week or last week of this month pa lang ang puwede kong sabihin kasi nagka-casting pa kami, pero madali na lang ‘yun. ‘Yung iba wala pang details,” pahayag ni Erickson.

Ngayong taon din ang 10th anniversary ng Cornerstone Concerts na walo ang major shows na itatanghal ngayong taon.

Nauna na ang two-night sold out concerts ni Moira na Tagpuan sa Kia Theater nitong Pebrero 17at 18.

Isusunod naman ang 18th anniversary concert ni K Brosas na may titulong 18K sa Abril 28, gaganapin sa Kia Theater.

Kasunod naman ang 10th anniversary concert ni Richard Poon sa May 18 na sa Newport Theater, Resort’s World Manila ang venue.

Ang pambato ng Pilipinas sa Singer 2018 na si KZ Tandingan finally magkakaroon din ng solo concert sa Smart Araneta Coliseum sa Hunyo.

Sa Agosto naman ay magkakasama sina Jay-R, Jason Dy at Jaya sa show na gaganapin sa Kia Theater.

Si Erik Santos naman sa MOA Arena para sa 15th year anniversary concert niya.

Magbabalik naman ng The Divas Live sa Big Dome sa Nobyembre.

At ang international YouTube sensation na si AJ Rafael with guests Janina Vela (apo ni Ms. Helen Vela, SLN at anak ni Pastor Paolo Punzalan), Kyle Echarri, Alex Diaz, Claudia Barretto (anak nina Marjorie Barretto at Dennis Padilla), at Jayda (anak nina Dingdong Avanzado at Jessa Zaragosa).

“Year 2017 was the best year for Cornerstone, sabay-sabay kasi lahat, all our concerts were all sold outs, ‘tapos the Kita Kita movie pa na kumita talaga,” sabi ni Erickson.

Money-maker ang karamihan sa artists ng Cornerstone kaya tinanong namin kung sino ang may pinakamalaking kinita last year.

“Alam mo nu’ng ibigay sa akin ni Jeff (Vadillo, VP ng Cornerstone) ang record, nakakagulat kasi halos lahat ng prime artists namin, isang point lang ang lamang sa isa’t isa kung sino ‘yung nanguna, sumunod, etcetera. Of course, hindi ko na babanggitin kung sinu-sino, pero lahat sila talaga. Of course, iba naman ‘yung mga bago pa lang, siyempre hindi pa naman lahat ‘yan humataw na,” sagot sa amin.

Siyempre hindi namin nakalimutang itanong ang unang alaga niyang si Sam Milby na kasalukuyang may pelikula ngayon, Ang Pambansang Third Wheel na kasama pa rin sa pinakamalaki ang ipinapasok sa kumpanya.

“Oo naman, iba naman kasi ang linya ni Sam. May iba siyang ginagawa, definitely hindi pa rin siya nawawala,” sagot ni Erickson.