Ni Clemen Bautista
BUWAN ng Kababaihan ang Marso. At pagsapit ng ika-8 ng Marso, ipinagdiriwang ng buong daigdig ang “International Women’s Day” o ang Pandaigdigang Araw ng Kababaihan.
Bawat bansa sa buong mundo ay ipinagdiriwang ang kahalagahan ng kababaihan. Bilang pakikiisa sa pagdiriwang, may mga programang inilulunsad. Ngayong 2018 hanggang 2022, ang tema ng pagdiriwang ay “We Make Change Work for Women”.
Maging sa mga bayan sa iba’t ibang lalawigan, hindi nalilimutang maglunsad ng mga programa para sa pagdiriwang ng Pandaigdigang Araw ng Kababaihan. Mababanggit na halimbawa sa Binangonan, Rizal. May mga inihandang programa para sa isang buwang pagdiriwang ng Women’s Month.
Bilang panimula, nitong Marso 6, 2018, nagdaos ng “Gender Sensitivity Training for Women” at ito ay ginanap sa Binangonan Recreation and Conference Center (BRCC). At noong ika-8 ng Marso, International Women’s Day”, sinimulan ang pagdiriwang ng Buwan ng Kababaihan sa Binangonan. Pinangunahan ni Dra. Rose Martha C. Ynares, first lady ng Binangonan at Pangulo ng Barkadahan ng Kababaihan sa Binangonan (BKB).
Inihudyat ang selebrasyon ng motorcade. Mula sa harap ng munisipyo ng Binangonan at natapos sa bagong palengke ng Binangonan sa Barangay Tagpos. Kalahok sa motorcade ang kababaihan ng lahat ng barangay sa Binangonan, mga guro sa public at private school sa Binangonan, mga tauhan ng Binangonan PNP. Sinundan ng misa ng pasasalamat.
Matapos ang misa at habang ginaganap ang isang simple ngunit makahulugang programa sa bukana ng Binangonan public market, sinimulan na rin ang iba’t ibang gawain tulad ng slogan making contest na nilahukan ng mga barangay sa Binangonan; libreng gupit, massage, dental care, anti-pneumonia vaccine at anti-rabies shots.
Sa programa, naging mga panauhin sina Seth Barrameda, chairman ng Bgy. Tagpos; Raymundo Villadiego, chairman ng Bgy. Tayuman; Filipinas Agustin, chairman ng Bgy. San Carlos; at Cirila Ceremonia, chairman ng Bgy. Pag-asa. Sila’y nagbigay ng kani-kanilang mensahe bilang pagpupugay sa kababaihan.
Ayon kay Bgy. San Carlos chairman Filipinas Agustin, ang isang araw na tayo’y magkakasama, ang isang buwan na tayo ay nagdiriwang ay dapat ipagpasalamat sa ating Panginoon. Sana, kahit matapos ang Marso, hindi magbago ang turing sa kababaihan.
Sa bahagi naman ng mensahe ni Dra. Rose Martha C. Ynares, kanyang pinasalamatan ang kababaihan sa lahat ng barangay sa Binangonan sa pakikiisa sa pagdiriwang ng Buwan ng Kababaihan. Gayundin ang Pamahalaang Bayan sa pangunguna ni Mayor Cesar Ynares sa suporta sa mga programa ng kababaihan sa Binangonan.
Bukod sa mga ito, may iba’t ibang gawain pang ilulunsad tulad ng seminar on cancer prevention, breast exam through palpitation, cervical cancer screening, papsmear, anti-pneumonia vaccination, dental service sa mga buntis, clean up day, ornamental at tree planting, wellness exercise, provincial livelihood training on flower production, at livelihood training for fish processing.
Nakalulugod mabatid na sa Binangonan, ang pinakamalaking bayan sa lalawigan ng Rizal, maraming programang inilulunsad para sa pagdiriwang ng Buwan ng Kababaihan.