Ni Mary Ann Santiago

Kasabay ng lalong pag-iinit ng panahon, inihayag ng Manila Electric Company (Meralco) na tataas ng 85 sentimos kada kilowatt hour (kWh) ang singil nito sa kuryente ngayong Marso.

Ayon sa Meralco, dahil sa dagdag-singil ay aabot na sa P10.32 kada kWh ang overall rate ng kuryente mula sa dating P9.47 nitong Pebrero.

Nangangahulugan ito na ang mga bahay na kumukonsumo ng 200 kWh kada buwan ay madadagdagan ng P170 sa monthly bill, habang P255 naman ang madadagdag sa mga nakagagamit ng 300 kWh kada buwan.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Ang mga kumukonsumo ng 400 kWh kada buwan ay madadagdagan naman ng P340 sa buwanang bayarin, habang P425 ang madadagdag sa mga nakagagamit ng 500 kWh kada buwan.

Nabatid na dapat sana ay 97 sentimos ang idadagdag sa singil ngunit inawasan muna ito ng 12 sentimo, at sa susunod na bill na sa Abril idadagdag ang pansamantalang binawas upang hindi masyadong mabigatan sa pagbabayad ang mga consumer.

Itinuturong dahilan ng Meralco sa pagdadagdag ng singil ang pagtaas ng generation charge, na dahil naman sa mas mataas na singil mula sa Wholesale Electricity Spot Market (WESM), na tumaas ng P1.4441 kada kWh.

Kasama sa naturang dagdag-singil sa kuryente ang 33 sentimo kada kWh na inutay mula sa dapat ay higit sa pisong dagdag-singil sa kuryente nitong Pebrero.

Tumaas din ang demand sa kuryente dahil sa unti-unti nang pag-init ng panahon.