Ni Marivic Awitan
SA halip na mabawasan dahil sa dalawang sunod na araw na manaka-nakang pagbuhos ng ulan, lalo pang uminit ang performance ng mga atletang kalahok sa ginaganap na NCAA Season 93 Track and Field Championships sa Philsports track oval sa Pasig.
Patunay dito ang pagkabasag ng apat na meet records, isa sa seniors at tatlo sa juniors division para sa tatlong araw na kompetisyon, ang pinakahuling regular event ngayong season ng pinakamatandang collegiate league sa Pilipinas.
Binasag ni John Carlos Corpuz ng reigning back-to-back seniors champion Arellano University ang record sa seniors discuss throw matapos nitong magtala ng bagong record na 41.56 meters, mas malayo ng isang metro sa dating record.
Kasunod nito, naitala rin ang tatlong bagong meet records sa 2,000 meter steeplechase, 800 meter run at pole vault.
Ikatlong ikot pa lamang ay kumawala na si Edgar Mahinay ng San Beda University at hindi na lumingon pang muli upang angkinin ang gold at itala ang bagong meet record na 6:11.47 sa boys 2000 meter steeplechase.
Naitala naman ni John Paul Parulan ng Arellano ang bagong record sa boys pole vault matapos nyang matalon ang baras na may taas na 3.85 meters.
Isa pang Red Cub sa katauhan ni Mariano Masano ang bumasag ng isa pang record sa boys 800 meters makaraang maorasan ng 1:55.28.
Sa iba pang resulta, nagparamdam din ang Mapua University makaraang kumopo ng tatlong gold medals kahapon sa seniors division sa pamamagitan ni Rowell Galvero sa men’s 5000 meter sa tiyempong 15:29.55 at Raymund Alferos sa men’s 400 meters(48.87).