NAKAKABINGI ang hiyawan ng fans nina Sam Milby at Yassi Pressman sa premiere night ng pelikula nilang Ang Pambansang Third Wheel nitong Martes sa SM Megamall Cinema 7.
Bagay na bagay ang magandang rehistro ng dalawa sa malaking telon dahil guwapo’t maganda kaya marami ang kinilig na tukso nang tukso sa kanila off-camera, pero tulad ng sinabi nila sa presscon ng Ang Pambansang Third Wheel, career ang prayoridad nila ngayon.
Malinis at maayos ang pagkakadirek ni Andrew Ivan Payawal sa kanyang unang mainstream movie, kaliwa’t kanan ang mga pagbago sa kanya pagkatapos ng premiere kaya naman ang ganda ng mga ngiti niya.
Glossy at naalagaan ang lahat ng anggulo ng mga karakter at maayos at positibo ang pagkakalatag ng kuwento.
Si Direk Ivan din ang sumulat ng script na ang kuwento ay tungkol sa pamilya ni Trina (Yassi) at ng ama’t inang nagkahiwalay na ginagampanan nina Al Tantay at Francine Prieto. Umaasa ang tatay ni Trina na babalik pa rin ang ina ng tahanan na nangyari naman sa ending.
Sa ama lumaki si Trina pero hindi niya naramdaman na wala ang ina dahil busog siya sa pagmamahal at pag-aasikaso.
Hindi nga lang successful ang love life niya na hindi nagtatagal kaya palagi siyang third wheel sa mga kaibigan niyang may mga partner in life.
Nakilala at naging boyfriend ni Trina si Neo (Sam) kaya inakala niyang mababago na ang papel niya, pero hindi third wheel pa rin pala siya dahil may anak ito sa pagkabinata at maging sa ina ng bata na ginagampanan ni Sam Pinto at dito nagsimula ang conflict nila.
Sa tatay nagkukuwento si Trina kung ano ang nangyayari sa buhay pag-ibig niya bukod sa mga kaibigan at kaopisina na supportive sa kanya.
Laging sinasabi ng tatay ni Trina, ‘Kapag mahal mo, ipaglaban mo at huwag kang susuko!” Dahil pakiramdam niya ay lagi siyang talunan.
Sumama si Neo sa mag-ina sa Canada kaya naghiwalay na sila ni Trina at ang pabaon ng huli, “Mas masarap magmahal kapag puwede na.”
Mahigpit and bilin ng ama na ipaglaban ni Trina ang pagmamahal niya kay Neo kaya sinundan niya ito sa Canada para lang makita ang masaya nang pagsasama ng tatlo roon, kaya bumalik siya ng Pilipinas para tuluyan nang kalimutan ang lalaking nanakit sa kanya.
Malaking dagok ang sumalubong sa kanya dahil ang ama na tanging lalaking kakampi niya sa buhay ay nawala na rin, inatake sa puso.
Dumating si Neo para makiramay at nangakong hindi na siya iiwan muli, pero hindi na naniwala si Trina. Nagtiyagang muli sa panliligaw si Sam, at dahil mahal pa rin naman ng dalaga ay nagkabalikan sila.
Masaya ang kuwento ng Ang Pambansang Third Wheel na may mga problemang pampaanghang at nalampansan naman kaya tiyak na marami ang makaka-relate.
Suportahan sina Sam at Yassi sa Ang Pambansang Third Wheel mula sa Viva Films at IdeaFirst Company na palabas na simula nitong Miyerkules sa lahat ng SM Cinemas at iba pa. (Reggee Bonoan)
